| 
       | 
      
  
   ANG PANIMULA
       Ang 
      maikling paglalahad na ito ay tinangka upang bigyang daan ang magandang 
      ugnayan ng Muslim at Kristiyano sa larangan ng relihiyon. Ang Islam at ang 
      Kristiyanismo ay kapwa naniniwala sa nag-iisang Diyos at mga Propeta. Ang 
      tanging kaibahan ay nakasalig sa katauhan ni Hesus. Ang Kristiyanismo ay 
      naniniwala na si Hesus ay diyos na nagkatawang tao at siya ay anak ng 
      diyos. Ngunit ang Islam ay naniniwala kay Hesus bilang isang dakilang 
      Propeta ng Diyos. Isang haligi ng pananampalataya ng Muslim ang maniwala 
      at mahalin si Hesus bilang Propeta at Sugo ng Diyos. Naniniwala ang Muslim 
      na si Hesus ay Messiah ng Diyos. 
      Na si Hesus ay ipinanganak ni 
      Maria na walang kinasasangkutang lalaki. Naniniwala ang Muslim na si Hesus 
      ay nakapagpagaling ng mga maysakit, bulag at ketongin sa kapangyarihan at 
      kapahintulutan ng Makapangyarihang Diyos.
      
      Ang Banal na Qur’an at maging 
      ang kasalukuyang Bibliya ay saksi sa katotohanan na si Hesus ay hindi 
      nagsabi o nagturo na siya ay Diyos na dapat sambahin. Katotohanan, ang 
      aral ni Hesus ay walang pagkakaiba sa lahat ng Propetang dumating dito sa 
      mundo. Lahat ng Propeta ng Diyos ay nagkakaisa sa pagtuturo na sumamba 
      lamang sa Tanging Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha. 
      At ito ang Pangunahing Kautusan (First 
      Commandment) na nakasulat sa lahat ng Banal na Kapahayagan at Kasulatan na 
      ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang mga Propeta. 
      
      Sa ganitong kaayusan, minabuti naming 
      ilahad ang katotohanang napapaloob sa Banal na Qur’an at Bibliya, si Hesus 
      bilang anak ni Maria na itinakda ng Diyos bilang Kanyang PROPETA, SUGO at 
      LINGKOD.
      I. 
      HESUS, bilang PROPETA ng DIYOS
      
      Maraming bersikulo sa Bibliya (Bagong 
      Tipan) ang nagpapatotoo at nagpapatunay na si Hesus ay hindi humigit sa 
      isang PROPETA lamang:
      
      Juan 7:40 "ang ilan nga 
      sa karamihan, nang marinig ang kanyang salitang ito, ay nangagsabi, tunay 
      na ito ang PROPETA."
      
      Lucas 24:19 "ang mga 
      bagay tungkol kay Hesus na Nasareno, na isang PROPETA makapangyarihan sa 
      gawa at salita sa harap ng Diyos at ng buong bayan."
      
      Lucas 7:16 "lumitaw sa 
      gitna natin ang isang dakilang PROPETA at dinalaw ng Diyos ang kanyang 
      bayan."
      
      Lucas 13:33 "ako'y 
      yumaon sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa: sapagkat hindi 
      mangyayari na ang isang PROPETA ay mamatay sa labas ng Jerusalem."
      
      Juan 6:14 "totoong ito 
      nga ang PROPETA na paparito sa sanlibutan."
      
      Hebreo 3:1 "inyong 
      isipin ang Apostol (PROPETA) at dakilang saserdote na ating kinikilala, si 
      Hesus."
      
      Juan 9:17 "muling 
      sinabi nga nila sa bulag, ano ang sabi mo tungkol sa kanya (Hesus), na 
      siyang nagpadilat sa iyong mga mata? At sinabi niya, Siya ay isang 
      PROPETA."
      II. 
      HESUS, Bilang SUGO at LINGKOD ng DIYOS
      
      Matutunghayan sa Bibliya na si Hesus ay Sugo at Lingkod ng Diyos katulad 
      ng katawagang inilarawan ng Banal na Qur’an tungkol sa kanya. Ang Bibliya 
      ay nagsabi tungkol kay Hesus.
      
      Mateo 15:24 "hindi ako
      ISINUGO kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel."
      
      Juan 17:3 "at ito ang 
      buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay 
      at si Hesus bilang iyong SUGO."
      
      Juan 8:42 "sinabi sa 
      kanila ni Hesus, kung ang Diyos ang inyong Ama, ay inyo akong ibigin 
      sapagkat ako ay nagmula at nanggaling sa Diyos, sapagkat hindi ako 
      naparito sa aking sarili kundi SINUGO Niya ako."
      
      Mga Gawa 3:13 "Ang 
      Diyos ni Abraham at ni Isaak at Jacob at ang Diyos ng ating mga magulang 
      ay niluwalhati ang Kanyang LINGKOD na si Hesus."
      
      Mga Gawa 4:27 "sapagkat 
      sa katotohanan sa bayan itong laban sa inyong banal na LINGKOD na 
      si Hesus, na siya mong pinahiran."
      
      Mateo 12:18 "narito ang
      LINGKOD ko na aking hinirang."
      III. 
      HESUS, HINDI DIYOS NA NAGKATAWANG TAO
      
      Sa iba't ibang relihiyon ang 
      pinakadiwa at kaisipan ng kanilang tagasunod tungkol sa Diyos ay yaong ang 
      Diyos na TAGAPAGLIKHA ay naging isang NILIKHA. At dahil sa paniniwalang 
      ito sila ay sumasamba sa inaakala nilang Diyos. Halimbawa, sa relihiyong 
      Buddismo, pinaniniwalaan 
      
      nila na si Buddha ay 
      diyos na nagkatawang tao. 
      Maging sa Hinduismo, 
      itinuturing nila ang baka bilang diyos na nagkatawang baka. Wala ring 
      kaibahan ito sa relihiyong Kristiyanismo, na si Hesus ay taong naging 
      Diyos. Ang mga ganitong paniniwala ay tunay na nagbibigay daan upang ang 
      tao ay maharap sa pinakamalaking kasalanan, ang IDOLATRIYA. Ang pagsamba 
      ng tao sa kapwa nilikha maging ito ay isang Propeta, Santo, Baka o 
      anupaman ay isang malaking kasalanan na dapat iwasan ng tao. Ito ay ganap 
      na pagtalikod sa Unang Kautusan ng Diyos (First Commandment). At 
      kailanman, hindi ito aral ng mga Propeta. Maging si Hesus ay hindi nagsabi 
      na siya ay Diyos na nagkatawang tao. At kailanman, si Hesus ay hindi 
      nagsabi na siya ay dapat sambahin. Ang pagsamba ng tao sa kaninumang 
      nilikha ay binigyang babala ng Diyos batay sa Bibliya:
      
      Exodus 20:3-4 "Huwag 
      kang magkakaroon ng ibang diyos sa harap Ko. Huwag kang gagawa para sa iyo 
      ng larawang inanyuhan o ng kawangis man ng anumang anyong nasa itaas sa 
      langit o ng nasa ibaba ng lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa."
      
      Exodus 20:23 "Huwag 
      kayong gagawa ng ibang mga diyos na iaagapay sa Akin."
      
      Isaias 44:9 "Silang 
      nangagbigay anyo sa larawang inanyuhan ay walang kabuluhan silang lahat at 
      ang kanilang mga bagay na kinalulugdan ay hindi napapakinabangan."
      
       Katotohanan, walang kabuluhan ang pagsamba 
      ng tao sa kapwa nilikha sapagkat ang Tunay na Diyos ay hindi tao. Sa 
      Bibliya, ang Diyos na Tagapaglikha ay tuwirang nagsabi na Siya ay hindi 
      nagkatawang tao:
      
      Oseas 11:9 "Sapagkat 
      ako ay Diyos, HINDI TAO."
      
      Mga Bilang 23:19 " Ang 
      Diyos ay HINDI TAO na magsisinungaling o ni anak ng tao na 
      nagsisisi."
      
      Kung ang Diyos ay nagsabi na siya ay hindi 
      tao, si Hesus sa kanyang sarili ay nagsabi na siya ay tao lamang. Ito ay 
      tanda ng pagpapahayag ng ganap na katotohanan at wagas na patunay mula sa 
      Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha. 
      Si Hesus ay nagsabi rin: 
      
      
      I Timoteo 2:5 "Sapagkat 
      may isang Diyos at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao. Ang 
      TAONG si Kristo Hesus."
      
      Juan 8:40 "datapwa’t 
      ngayo'y pinagsusumikapan ninyo akong patayin na TAONG sa inyo'y 
      nagsaysay ng katotohanan, na narinig sa Diyos, ito'y hindi ginawa ni 
      Abraham."
      
       Kung si Hesus nga ay diyos na nagkatawang 
      tao, mayroon bang mga tao sa kanyang kapanahunan ang sumamba sa kanya?
      WALA! Ang mga disipulo ni 
      Hesus, sila ba ay sumasamba sa kanya? Ang ina ni Hesus, tinawag ba niyang 
      diyos ang kanyang anak? Kinilala ba at sinamba ni Birhen Maria ang kanyang 
      anak bilang Diyos ng Sanlibutan? Sa buong Palestine o Jerusalem, walang 
      sinumang kababayan ni Hesus ang nagkaroon ng kaisipan na si Hesus ay Diyos 
      na dapat sambahin. Kailanman, hindi kayang tanggapin ng makatuwiran at 
      malayang kaisipan na ang Diyos na Tagapaglikha ay isang kalahi ng mga 
      Hudyo sa katauhan ni Hesus. 
      
      Higit pa rito, hindi Banal na 
      Katangian ng Tunay na Diyos na  magsatao, makihalubilo sa Kanyang mga 
      nilikha, kumilos at gumalaw na parang tao, magkaroon ng pangangailangan na 
      parang tao-kumain, matulog, umiyak, uminom, mauhaw. Ang tao, hayop at iba 
      pang nilikha lamang na may buhay ang mayroong ganitong pamamaraan ng buhay 
      sapagkat lahat ng nilikha ay nakapailalim sa kapangyarihan at batas ng 
      Nag-iisang Tagapaglikha.
      
      
      ANG PAGDARASAL NI HESUS
      
      Mateo 26:39 "at siya'y 
      nagpatirapa at nanalangin."
      
      Kung si Hesus ay Diyos na nagkatawang tao, 
      kanino siya nagdarasal at bakit siya nagdarasal? Ang pagdarasal ni Hesus 
      ay tanda ng pagkilala at pagsamba niya sa Iisang Diyos, kaya’t 
      pinatutunayan lamang niya sa kanyang mga gawa na siya ay may kinikilalang 
      Makapangyarihang Diyos na kanyang sinasamba at dinadalanginan.
      
      ANG PAGTULI KAY HESUS
      
      Lucas 2:21 "makaraan 
      ang walong araw upang siya ay tuliin, tinawag siyang Hesus." 
      
      
      Ang pagtuli ay isang gawain upang 
      manatiling malinis ang katawan ng tao. Ang gawang pagtuli ba ay dapat 
      iugnay sa Diyos na makapangyarihan? Hindi angkop sa Kadakilaan ng Diyos na 
      itong gawaing ito ay iugnay sa Kanya. 
      (Astagfirullah!)
      
      
      ANG PAG-AAYUNO NI HESUS
      
      Mateo 4:2 "at ng siya'y 
      nakapag-ayuno ng apatnapung araw at gabi, siya ay nagutom." 
      
      
      Kung si Hesus ay Diyos, hindi siya dapat 
      pumailalim sa Batas ng Pag-aayuno. Hindi katangian ng isang Tunay na Diyos 
      ang mag-ayuno at magutom. Ang Tunay na Diyos ay Ganap at walang 
      pangangailangan.
      
      
      ANG MGA KAPATID NI HESUS (AYON SA BIBLIYA)
      
      Mateo 13:55 "Hindi baga 
      ito ang anak ng anluwagi? hindi baga tinatawag na Maria ang kanyang ina? 
      at Santiago (James), Jose (Joses) at Simon at Judas ang kanyang mga 
      kapatid?"
      
      Kung si Hesus ay Diyos, maaari ding ituring 
      ang kanyang mga kapatid bilang mga Diyos sapagkat iisa ang kanilang lahi 
      at dugo. (Dugong Diyos at Lahing Diyos?) Astagfiruallah! Ano ang tawag ng 
      mga kapatid ni Hesus sa kanya? DIYOS KO o KUYA KO? Kaya nga ba ang 
      pagturing kay Hesus bilang diyos ay hindi lamang isang kalapastanganan sa 
      Kabanalan at Kadakilaan ng Diyos kundi ito ay isang insulto sa talino at 
      karunungan ng tao.
      
      ANG PANUNUKSO NG DIYABLO KAY HESUS
      
      Mateo 4:1 "inihatid ng 
      espiritu santo si Hesus sa ilang upang siya ay tuksuhin ng Diyablo."
      
      
      Paano naging diyos si Hesus kung siya ay 
      tinutukso ng Diyablo? Ang Diyablo ay isa lamang nilikha na nakapailalim sa 
      Kapangyarihan ng Tagapaglikha. Ang Diyos ay Ganap at walang 
      pangangailangan kaya't hindi ito natutukso sa anupamang bagay. 
      Sa Bibliya matutunghayan at 
      mapatutunayan na:
      
      Santiago 1:13 
      "Sapagkat ang Diyos ay hindi matutukso at hindi rin siya nanunukso sa 
      kaninuman."
      ANG PAGPAKO KAY HESUS
      
      Mateo 27:35 "at nang 
      siya ay kanila ng maipako si Hesus." 
      
      Kung si Hesus nga ay tunay na diyos maaari 
      bang ang TAGAPAGLIKHA ay ipako ng Kanyang mga NILIKHA? 
      Sa ganitong kalagayan ni Hesus 
      na nakapako sa krus, maaari ba siyang tawaging Diyos? 
      
      
      ANG PANAGHOY NI HESUS
      
      Mateo 27:46 
      "At nang malapit na ang oras na ika-siyam ay sumigaw si Hesus ng malakas 
      na tinig, na sinabi: ELI, ELI lama sabachthani? samakatuwid baga’y, Diyos 
      Ko, Diyos Ko, bakit mo ako pinabayaan?"
      
      Bakit kailangang ituring ng 
      ibang Kristiyano si Hesus bilang diyos samantalang si Hesus mismo ay may 
      tinatawag na kanyang Diyos? Ang malakas na sigaw ni Hesus ng DIYOS KO 
      DIYOS KO ay isang patunay na siya ay may kinikilalang Diyos at hindi niya 
      itinuring ang kanyang sarili bilang diyos. 
      
      ANG ARAW NG PAGHUHUKOM
      
      Marcus 13:32  
      "...sapagkat sa araw na yaon o oras na yaon kahit mga anghel sa langit 
      kahit anak kundi ang Ama."
      
      Si Hesus ay nagsabi na walang tao o anghel at maging ang kanyang sarili 
      ang nakakaalam sa Araw ng Paghuhukom. Paano naging Diyos si Hesus kung ang 
      Araw ng Paghuhukom ay hindi niya batid? Ang Tunay na Diyos ay nakababatid 
      ng lahat ng bagay. Ang lahat ng galaw, pangyayari at kilos ay nasa 
      kaalaman ng Makapangyarihang Diyos.
      
      ANG KAMATAYAN NI HESUS (AYON 
      SA BIBLIYA)
      
      Roma 5:6 
      "Sapagkat 
      nang tayo ay mahihina pa ay namatay si Kristo sa kapanahunan dahil sa mga 
      masama."
      
      Ayon sa Bibliya si Hesus ay 
      namatay. May Diyos bang namamatay? 
      Sino ang nagpanatili sa mundo at ng lahat ng bagay na may buhay? Sino ang 
      tagapangalaga ng lahat ng kabuhayan dito sa mundo kung patay ang Diyos? 
      Ang kamatayan ay hindi maaaring taglayin ng Tunay na Diyos. 
      Katunayan sa Bibliya, si San 
      Pablo ay nagsabi na ang Tunay na Diyos ay:
      
      I Timoteo 6:16 
      "Siya lamang ang walang 
      kamatayan, na nananahanan sa liwanag na di malapitan, na di nakita ng 
      sinomang tao." 
      
      Ang mga pangyayaring namuo sa 
      buhay ni Hesus ay mga pangyayaring nagpapatunay na siya ay taong itinakda 
      ng Diyos bilang Kanyang PROPETA at SUGO. Ang mga gawaing pang-araw ni 
      Hesus, ang kanyang damdamin, kilos at galaw ay likas na larawan ng isang 
      nilikhang sumasamba at kumikilala sa Diyos. Ang kanyang pagsilang, paglaki 
      at pangangaral ay mga banal na layunin na kanyang ginawa bilang pagtupad 
      sa Kautusan ng Diyos.
      
      
      ANG KAPANGYARIHAN NI HESUS
      
      Ang kapangyarihan ni Hesus ay 
      nagmula sa Diyos. Ang sinomang nilikha ay ganap na umaasa lamang sa Diyos 
      kaya si Hesus sa kanyang sarili ay walang kapangyarihan. Lahat ng kanyang 
      ginawa ay hindi sa ganang kanya kundi sa pamamagitan ng Diyos na nagsugo 
      sa kanya.
      
      Mga Gawa 2:22 
      "Kayong mga lalaking taga 
      Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito, si Hesus, na taga Nazareth, 
      lalaking pinatunayan ng Diyos
      sa mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya 
      sa gitna ninyo gaya rin ng nalalaman ninyo."
      Juan 5:30
      "hindi ako makagagawa ng 
      anuman sa aking sarili."
      
      Lucas 11:20 "sa 
      pamamagitan ng daliri ng Diyos ay nagpalabas ako ng mga demonyo."
      
      Mateo 12:28 
      "sa pamamagitan ng 
      Espiritu ng Diyos ay nagpapalabas ako ng mga demonyo."
      
      Maliwanag na kailanman ay hindi 
      maaaring maging Diyos si Hesus sapagkat ang isang katangian ng isang Tunay 
      ng Diyos ay ang Kaganapan ng Kapangyarihan. Ngunit, si Hesus ay umamin sa 
      kanyang sarili na wala siyang magagawa maliban sa pamamagitan at 
      pahintulot ng Diyos.
      
      
      ANG MGA BANAL NA SALITA NI HESUS
      
      Juan 14:6 "… ako ang 
      daan at katotohanan."
      
      Ang bersikulong ito ay hindi dapat 
      ipakahulugan na si Hesus ay Diyos. Ang lahat ng Propeta sa kani-kanilang 
      panahon ay itinuturing na Daan at Katotohanan sapagkat sila ang 
      pinagkatiwalaan ng Diyos upang akayin ang lahat ng tao sa landas tungo sa 
      kaligtasan. Ang mga Propeta ang siyang may hawak ng Katotohanan. 
      Halimbawa, sa panahon ni Propeta 
      Noah, sinoman ang hindi sumunod sa aral ni Noah ay nalunod. Sa panahon
      
      
      ni Moises, lahat ng taong 
      nagtakwil sa mensahe ni Moses ay nalunod din. 
      Ang Daan at Katotohanan ay taglay ng lahat ng Propeta. Kung ang Daan at 
      Katotohanan ay para lamang kay Hesus paano na lamang ang mga taong nauna 
      sa panahon ni Hesus, sila ba ay walang kaligtasan? Ang Diyos ay 
      Makatarungan at hindi Niya maaaring gawin ang isang bagay na hindi 
      makatuwiran. Ang kaligtasan ng lahat ng tao ay matatamo sa pamamagitan ng 
      pagsunod sa mga Propeta sapagkat ang pagsunod sa kanila ay pagsunod din sa 
      Diyos. Magkakaroon lamang ng kahulugan ang pananampalataya ng isang tao 
      kung sinusunod niya ang mga aral ng Propeta sapagkat sila ang tanging daan 
      at katotohanan.
      Juan 
      10:30 “… ako at ang Ama 
      ay iisa.”
      
      Karamihan sa mga Kristiyano ang kanilang 
      kaisipan sa bersikulong ito ay si Hesus at ang Diyos ay isa sa pagiging 
      isang Diyos. Ngunit katulad ng ating paliwanag sa itaas, ang lahat ng gawa 
      ni Hesus, ang kanyang pagsilang, pamumuhay, pangangaral, pagdarasal, 
      pag-aayuno, pagtuli, 
      
      panalangin, pagbinyag ay mga tanda ng isang 
      taong may pananampalataya sa Diyos. Ang pagiging isa ni Hesus at ng Diyos 
      ay hindi sa pagiging Diyos kundi sa Layunin. Mula sa unang tao layunin na 
      ng Diyos na ang Kanyang mga nilikha ay pag-isahin at akayin sa isang 
      matuwid na landas. At upang magkaroon ng katuparan ang layuning ito, 
      pumili siya ng mga Propeta upang makiisa sa Kanyang layunin na dalhin ang 
      tao sa tamang patnubay. Kaya’t ang layuning ito ng Diyos ay siya ring 
      layunin ng lahat ng Propeta mula kay Adan, Noah, Abraham, Moises, Hesus at 
      Muhammad (Sumakanila nawa ang Kapayapaan).
      
      Samakatuwid, kapag ang isang tao ay 
      nanampalataya at sumamba ayon sa aral ng mga Propeta, ang mga Propetang 
      ito ay titiyakin na ang tao ay mananatili sa pananampalataya, at ang 
      Makapangyarihang Diyos naman ay magbibigay liwanag sa taong may 
      pananampalataya upang ito ay manatili sa tamang landas ng buhay. Kaya’t 
      ito ang layunin ng Diyos at ng lahat ng Propeta at ng lahat ng taong may 
      tamang pananampalataya.
      
      Ang layuning ito ay binigyang liwanag ni 
      Propeta Hesus nang siya ay magsabi sa kanyang mga disipulo tungkol sa 
      pakikiisa nila sa Diyos:
      Juan 
      17:21-22 "Upang silang 
      lahat (disipulo) ay maging ISA na gaya mo, Ama, sa akin at ako ay sa iyo, 
      na sila nama'y sumaatin upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako ay 
      sinugo mo. At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa 
      kanila upang sila ay maging ISA na gaya naman natin na IISA."
      IV. 
      HESUS : HINDI BUGTONG NA ANAK NG DIYOS
      
      Kadalasan ng naririnig sa mga Kristiyano na 
      si Hesus ay tanging (bugtong) na anak ng Diyos. Ngunit ang Bibliya mismo 
      ang nagpapatunay na sa metaporikal na kahulugan nito, ang “anak ng Diyos” 
      ay hindi lamang nakaugnay o nakatukoy kay Hesus. Katotohanan, ang salitang 
      “anak ng Diyos” ay ginamit din sa kaninomang taong may ganap na 
      pananampalataya 
      sa Diyos. Ang mga Propeta ay tinawag din bilang 
      “anak ng Diyos” sapagkat sila katulad ni Hesus, ay ganap na sumunod at 
      sumasampalataya sa Diyos. Ayon sa Bibliya, maraming “anak” ang Diyos.
      Exodus 
      4:22 
      “… 
      Israel ay aking anak, aking panganay.”
      Jeremias 
      31:9 
      “… 
      Ako’ng pinakaama sa Israel, Ephraim ang aking panganay.”
      Mga Awit 
      2:7 
      “… 
      Ikaw ay aking anak (David), sa araw na ito ay ipinanganak kita.”
      I Cronica 
      22:10 “… siya ay magiging 
      aking anak (Solomon) at ako’y magiging kaniyang ama.”
      
      Ang titulo o katawagang “anak ng Diyos” ay ginamit sa wikang Hebrew na 
      ang tunay na kahulugan ay yaong taong mabuti at ganap na sumasampalataya 
      sa Diyos. Halimbawa, sa 
      Bibliya mababasa na:
      Mateo 
      5:44-45 
      “… 
      ibigin ang iyong kaaway upang kayo ay maging anak ng inyong Amang nasa 
      langit.”
      Mateo 5:9 
      “ mapapalad ang mga mapagpayapa sapagkat sila'y ay tatawaging anak ng 
      Diyos.”
      Oseas 
      1:10 
       “…kayo ay mga anak ng Diyos na Buhay.”
      
      Isang maliwanag na katotohanan mula sa mga 
      bersikulo ng Bibliya na ang “anak ng Diyos” ay pagsasaad ng pagmamahal at 
      pagsunod sa Diyos. Si 
      Hesus ay walang alinlangang isa sa nagmamahal at sumusunod ng ganap sa 
      Kalooban ng Diyos.
      V. HESUS BILANG DAKILANG PROPETA 
      NG ISLAM
      
      
      ANG KAHALINTULAD ni HESUS
      
      Una sa lahat, ang mga Muslim ay 
      nananatili sa paniniwala na ang pagsilang ni Hesus na walang ama ay 
      kahalintulad ng pagkakalikha ng Diyos kay Adan, na walang ama at ina.
      Ang Banal na Qur’an ay nagpaliwanag:
      Qur’an 
      3:59 “ Katotohanan: Ang 
      kahalintulad ni Hesus sa paningin ng Allah ay si Adan. Siya ay nilikha 
      Niya mula sa alabok. At saka nagwikang (Kun)“Maging” at (Fayakun) “nangyari 
      nga”.
      
      Tuwirang tinatalikdan ng Islam ang ideya na 
      si Hesus ay “anak ng Diyos”. Kung pagsilang ni Hesus na walang ama ang 
      siyang malaking batayan o dahilan upang siya ay tawaging “anak ng Diyos” 
      higit na may karapatan si Adan na tawaging “anak ng Diyos” sapagkat siya 
      ay isinilang na walang ama at ina. Sa katotohanan, ang Kapangyarihan ng 
      Diyos ay hindi mapag-aalinlangan. 
      Sa anumang pamamaraan, lumilikha 
      ang Diyos ng anumang Kanyang naisin. Nilikha niya si Adan ng walang ama at 
      ina. Si Eba ay nilikha mula sa tadyang ng lalaki at walang ina. 
      Si Hesus ay nilikha na walang ama ngunit 
      may ina. Ang karaniwang tao ay nilikha ng Diyos na may ama at ina. Kaya sa 
      Walang Hanggang Karunungan at Kapangyarihan ng Diyos lahat ng bagay na 
      Kanyang itakda ay natutupad at nangyayari. Ang Diyos ay magsabi lamang ng 
      “Maging” at mangyayari nga. Ang pagkakalikha ng Diyos sa iba’t-ibang 
      pamamaraan ay tanda lamang na Siya ang dapat pag-ukulan ng Pagsamba at 
      Pagmamahal.
      
      
      ANG PAGSILANG NI HESUS
      
      Si Hesus ay Propeta ng Diyos na 
      ipinadala para sa mga taga Israel upang mangaral sa tunay na diwa ng 
      pagsamba. Siya ay binigyan ng magandang karangalan sa daigdig at sa 
      kabilang buhay. Ang Banal na Qur’an ay nagpaliwanag na pinili si Maria 
      higit sa lahat ng babae dito sa lupa. 
      Ang Anghel Gabriel ay dumating sa kanya na 
      may magandang balita na siya ay nakatakdang magsilang kay Hesus. Ang 
      magandang salaysay na ito ay matatagpuan sa Banal na Qur’an:
      Qur’an 
      3:45-48 “Tandaan! Nang ang 
      mga Anghel ay magsabi: "O, Maria! Katotohanan, ang Allah ay nagbibigay sa 
      iyo ng magandang balita ng isang Salita mula sa Kanya: ang kanyang 
      pangalan ay Mesiyas, Hesus, anak ni Maria, na may mataas na karangalan sa 
      daigdig na ito at sa kabilang buhay. At siya ay (nasa hanay) ng mga 
      malalapit (sa Allah). Siya ay magsasalita sa tao mula sa kanyang duyan 
      (kamusmusan) at kagulangan. At siya ay nasa hanay ng mga matutuwid. Siya 
      (Maria) ay nagwika:O! aking Panginoon!
      Paano ako magkakaroon ng anak gayong walang lalaki ang humawak sa akin? 
      Siya ay nagwika: (Kahit na) Ganyan ang Allah, lumilikha ng anumang Kanyang 
      naisin. Kapag Kanyang itakda ang isang bagay, Siya ay magsasabi (lamang) 
      ng “Kun” (Maging) at “Fayakun” (mangyayari nga). At siya 
      (Hesus) ay tuturuan Niya ng Aklat at Karunungan. Ang Torah (Batas) 
      at ang Injeel(Ebanghelyo).”
      
      SI HESUS AT ANG KANYANG INA
      
      Tanging ang Banal na Qur’an ang siyang nagbibigay ng magandang kalagayan 
      tungkol kay Hesus at Birhen Maria. 
      Para sa mga Hudyo si Hesus ay 
      tinaguriang Huwad na Propeta at si Birhen Maria bilang isang masamang 
      babae. Sa paningin ng mga Hudyo, si 
      Hesus at Maria ay kabilang sa mga may mababang uri ng pagkatao. Sa 
      Kristiyanismo naman, itinuring si Hesus 
      bilang anak ng 
      Diyos at Diyos na nagkatawang tao. 
      Si Birhen Maria bilang Ina ng 
      Diyos. Ngunit ang Islam ay siyang daan upang bigyang liwanag ang tunay na 
      katayuan ni Hesus at ng kanyang Ina, hindi bilang mababang uri ng tao o 
      mga diyos kundi mga mabubuting tao na nasa hanay ng mga matutuwid. 
      Ang Banal na Qur’an ay nagpahayag:
      
      Qur’an 5:75 
      “... Ang Mesiyas (Hesus), anak 
      ni Maria ay hindi humigit sa isang Sugo (Propeta) lamang. 
      Maraming Sugo (Propeta) ang dumating bago 
      pa man siya. Ang kanyang ina ay isang babaing makatotohanan.”
      Qur’an 
      3:42 “At (tandaan) nang 
      ang mga Anghel ay nagsabi:
       O, Maria! Ikaw ay pinili ng Allah, 
      At ginawang dalisay (at malinis), at ikaw ay piniling higit sa mga babae 
      sa lahat ng nilalang.”
      
      
      ANG HIMALA NI HESUS SA BANAL NA QUR’AN
      
      Ang salaysay ng Banal na Qur’an 
      tungkol sa mga Himala ni Hesus ay akmang-akma sa kanyang kabanalan at 
      karangalan. Taliwas sa Bibliya na 
      ang isang himala niya ay ang paggawa ng nakalalasing na alak.
      
      Sa Banal na Qur’an, sanggol pa 
      lamang si Hesus ay nagbigay na siya ng himala. May isang pagkakataon na 
      ang mga tao ay nagtatanong kay Maria kung bakit nagawa niyang magkaanak na 
      ang pag-aakala siya ay masamang babae. At upang patunayan ni Maria na siya 
      ay malinis na babae, hindi siya nagpaliwanag para sa kanyang sarili kundi 
      itinuro niya si Hesus na isang sanggol. Sa pamamagitan ng Himala si Hesus 
      ay nagsalita.
      Qur’an 
      19:29-30 “At kanyang 
      (Maria) itinuro ito (ang sanggol). Sila (mga tao) ay nagwika: “Paano namin 
      makakausap ang isang batang nasa 
      duyan?” Siya (Hesus) ay nagsabi: “Tunay na ako ay Lingkod ng Allah: Ako ay 
      binigyan ng Kasulatan at ginawa Niya akong PROPETA...”
      
      Si Hesus ay nagpamalas din ng 
      himala sa iba’t-ibang pagkakataon. 
      Ang Banal na Qur’an ay nagsalaysay:
      Qur’an 
      3:49 “ Tunay na ako ay 
      naparito sa inyo na may dalang Palatandaan mula sa inyong Panginoon, na 
      ako ay gagawa para sa inyo mula sa (dakot na) alikabok katulad ng hugis ng 
      ibon “At hihipan ko ito at magiging ibon.” Sa Kapangyarihan ng Allah aking 
      pagagalingin ang ipinanganak na bulag at ketongin. At aking bubuhayin ang 
      patay sa pamamagitan ng Kapangyarihan ng Allah.”
      
      
      ANG LAYUNIN NI HESUS
      
      Katulad ng nakasaad sa Bibliya, 
      maging ang Banal na Qur’an ay nagbibigay liwanag tungkol sa layunin ni 
      Hesus. Siya ay isinugo na may 
      hangaring gisinging muli ang mga Taga Israel na sa panahong yaon ay 
      nakawatak-watak. Binigyang-diin niya ang pangunahing aral ng Diyos, ang 
      Pagsamba at Pananampalataya sa Diyos. 
      Ang Banal na Qur’an ay 
      nagpahayag tungkol sa aral ni Hesus. 
      Siya ay nagsabi:
      Qur’an 
      3:51 “Katotohanan, ang 
      Allah ang aking Panginoon kaya’t Sambahin Siya.”
      Qur’an 
      5:72 “ O, angkan ng 
      Israel, Sambahin ang Allah, na aking Panginoon at inyong Panginoon. Ang 
      sinumang magtambal sa Allah ay tunay na ipagbabawal ng Allah sa kanya ang 
      Paraiso at ang Apoy ang kanyang tirahan.”
      
      Ang isa pang layunin ni Hesus ay upang 
      bigyang-daan ang pagdating ni Propeta Muhammad (Sumakanya Nawa ang 
      Kapayapaan). Ang Banal na Qur’an ay nagsabi:
      Qur’an 
      61:6 “O, Angkan ng 
      Israel, katotohanang ako ay Sugo ng Allah sa inyo na nagpapatotoo sa Torah 
      (ni Moises) na nauna sa akin at nagbibigay ng magandang balita ng isang 
      Sugo na susunod sa akin na ang pangalan ay tatawaging Ahmad (Ang 
      Ipinagkakapuri).”
      VI. 
      HESUS, SAKSI SA ARAW NG PAGHUHUKOM
      
      At dahil nga sa paniniwala at 
      pagsamba kay Hesus bilang Diyos ng mga Kristiyano, sa Araw ng Paghuhukom 
      si Hesus ay haharap sa Diyos (Allah). 
      Si Hesus mismo ang magtutuwid sa maling paniniwalang ito. Sa Araw ng 
      Paghuhukom ang Panginoong Diyos (Allah) ay magtatanong kay Hesus. Siya ay 
      magsasabi:
      Qur’an 
      5:116-117 "At (tandaan): 
      Nang ang Allah ay magsasabi: O, Hesus, anak ni Maria, Ikaw ba ay nagsabi 
      sa tao: Gawin ninyo ako at ang aking Ina bilang mga diyos bukod pa sa 
      Allah? Siya (Hesus) ay magsasabi: Luwalhati sa Iyo (O, Allah!) Hindi ko 
      maaaring sabihin ang anumang bagay na wala
      akong karapatan. Kung sinabi ko man yaon, ito ay Iyong 
      Batid. Batid Mo ang aking kalooban, gayong ang sa Iyo ay di ko batid. 
      Katotohanan, Ikaw (lamang) ang nakakaalam ng mga bagay na lingid. Wala 
      akong sinabi sa kanila maliban kung ano ang Iyong ipinag-uutos: SAMBAHIN 
      ANG ALLAH, ang AKING PANGINOON at INYONG PANGINOON, at ako ay saksi habang 
      ako ay kasama nila at nang ako ay bawiin Mo, Ikaw ang Tagapagmasid sa 
      kanila at (tanging) Ikaw ang Saksi sa bawat bagay."
      
      Maging sa Bibliya, mayroon ding babalang 
      sinabi si Hesus para sa mga taong sumusunod sa mga hindi makatuwirang 
      doktrina na ginawa lamang ng tao at sa mga taong ginawang Panginoon si 
      Hesus. Sa Araw ng Paghuhukom ang mga taong sumamba kay Hesus ay 
      magsisilapit sa kanya. Si 
      Hesus ay magsasabi:
      
      Mateo 15:9  
      "Datapwat, walang kabuluhan ang 
      pagsamba sa akin na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga 
      tao."
      
      Mateo 7:22 
      "Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at 
      sa pangalan mo'y nangapalayas kami ng mga demonyo at sa pangalan mo'y 
      nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?
      
      Si Hesus ay nagtakwil sa 
      ganitong uri ng tao. At siya ay 
      nagwika: 
      Mateo 
      7:23  "Kailanman, hindi 
      ko kayo nangakilala. Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng 
      katampalasanan."
      VII. 
      ANG EBANGHELYO NI HESUS
      
      Isa sa saligan ng Pananampalataya ng Islam 
      ay ang Paniniwala sa mga Aklat ng Diyos. Kinikilala ng mga Muslim ang mga 
      sumusunod na aklat bilang Patnubay para sa tao. Ito ay ang mga sumusunod:
      
      Ang Aklat ni Abraham na tinatawag na 
      “Suhuf” (Scroll of Abraham)
      
      Ang Psalmo ni David na tinatawag na 
      “Zabur” (Psalms of David)
      
      Ang Aklat ni Moises na tinatawag 
      na “Tawrat” (Torah of Moises)
      
      Ang Ebanghelyo ni Hesus tinatawag na 
      “Injeel” (Gospel of Jesus)
      
      Ang Banal na Qur’an ni Muhammad “Qur’an” 
      (Al Qur’an ipinahayag kay Muhammad).
      
      Ang mga aklat na ito ay ipinagkaloob ng 
      Allah sa tao upang gawing panuntunan. Sa paglipas ng maraming panahon ang 
      mga aklat ng Diyos maliban sa Al Qur’an ay nangawala na o hindi na buo ang 
      nilalaman. Ang Ebanghelyo (Gospel) ni Hesus ay isa sa naging biktima ng 
      pagkasira. Sa ngayon panahong ito, kung ating bubuksan ang Bibliya, 
      matutunghayan natin na ang Ebanghelyo o Gospel ay hindi ayon kay Hesus 
      kundi ayon sa apat na manunulat, Ebanghelyo ayon kay Juan, Lucas, Markus 
      at Mateo. At kung susuriin mong mabuti ang nilalaman ng mga ito, pawang 
      mga kasaysayan noong panahon ni Hesus. Ang mga ito ay nagsasalaysay lamang 
      kung ano ang ginawa ni Hesus sa pang-araw-araw. Nasaan ang Ebanghelyo ni 
      Hesus na siyang dapat gamitin ng tao bilang AKLAT ng PATNUBAY? 
      
      Sa pananaw ng Islam, ang orihinal na 
      Ebanghelyo ni Hesus ang siyang tanging aklat na dapat paniwalaan bilang 
      Kapahayagan kay Hesus. At dahil nga wala na sa panahong ito ang Aklat ni 
      Hesus, sa awa at pagpapala ng Allah, muli Siya ay nagpahayag ng Kanyang 
      Huling Aklat, ang Banal na Qur’an upang ibalik ang tao sa isang malinis at 
      wagas na pagsamba at pananampalataya sa isang Diyos. Ang Banal na Qur’an 
      ay nagbigay liwanag tungkol sa mga naunang mga Aklat. Pinatutunayan ng 
      Banal na Qur’an ang mga aklat na ipinagkaloob sa mga Propeta ng Diyos.
      
      ANG DAAN TUNGO SA KALIGTASAN
      
      Ang mensahe ni Hesus ay simple at matuwid 
      katulad ng lahat ng nauna sa kanya at ng huling Propetang si Muhammad 
      (Sumakanila nawa ang Kapayapaan). Ang kanilang mga aral ay walang 
      pagkakaiba-iba. Ang diwa at kabuuan nito ay ang:
      ANG 
      PAGSAMBA, PANANAMPALATAYA, PANANALIG, PAGTITIWALA at PANINIWALA sa 
      TANGING-ISANG DIYOS-Ang ALLAH
      kalakip ng 
      GANAP NA PAGSUKO AT PAGSUNOD SA KANYANG MGA BATAS
      ( Ang maikling kahulugan 
      nito ay ISLAM )
      
      Ang tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos 
      (Allah) ay magkakaroon lamang ng ganap na katuparan sa pamamagitan ng 
      tapat na pagsunod sa kanyang mga Batas. Ang lahat ng Propeta ng Allah mula 
      kay Adan, Noah, Abraham, David, Moises, Hesus at Muhammad ay walang 
      pagkakaiba-iba sa pangunahing prinsipyo. 
      Sila ay nagkakaisa sa isang 
      layuning akayin ang tao sa isang tamang landas tungo sa kaligtasan.
      
      LUMANG TIPAN (Moises)
      Si 
      Moises ay nagsabi:
      
      Deuteronomy 6:5 
      “Pakinggan mo O Israel, Ang Panginoong Diyos ay Isang Panginoon., At iyong 
      mahalin ang inyong Panginoon ng buong puso, ng buong kaluluwa at buong 
      lakas.”
      BAGONG TIPAN 
      (Hesus)
      
      Si Hesus ay nagbigay aral din at nagwikang 
      :
      Markus 
      12:29 “Pakinggan mo O 
      Israel. Ang Panginoon nating Diyos ay Isang Panginoon. At iyong mahalin 
      ang iyong Panginoong Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, ng buong isip at 
      ng buong lakas.”
      
       
      
      
      BANAL NA QUR’AN
      
      Ang Diyos (Allah) ay nagpahayag kay Propeta 
      Muhammad ng pangunahing utos na ito:
      Qur’an 
      39:11-12 “Ipahayag: 
      katotohanan, ako’y napag-utusang sumamba (lamang) sa Allah ng tapat na 
      Pananampalataya. At ako ay napag-utusang maging isa sa mga sumusuko ng 
      (buong) sarili sa Allah.”
      Qur’an 
      112:1-4 “Ipahayag mo (O, 
      Muhammad) Siya  ang Allah, ang Tanging isa. Allah, ang pinanunumbalikan sa 
      pangangailangan ng lahat. Hindi Siya nagkaanak at hindi ipinanganak At sa 
      Kanya ay walang (makakatulad at) makakapantay.”
      ANG KONSEPTO 
      TUNGKOL SA TUNAY NA DIYOS AYON SA MGA PROPETA NG ALLAH
      
      Ang Banal na Qur’an bilang 
      Huling Aklat ng Allah na ipinagkaloob kay Propeta Muhammad (sumakanya Nawa 
      ang Kapayapaan) ay naghahandog ng isang malinis at wagas na pagkilala sa 
      Tunay na Diyos. Ilan sa mga Katangian ng isang Tunay na Diyos (Allah) ay:
      
      Qur’an 6:103 
      “Walang paningin ang 
      makapanghahawak sa Kanya ngunit Kanyang napanghahawakan ang lahat ng 
      paningin.”
      Qur’an 
      112:4 “At sa Kanya ay 
      walang (makakatulad at) makakapantay.”
      
      Maging sa maraming pahina ng Bibliya, 
      matatagpuan ang mga katangian ng Tunay ng Diyos. Halimbawa, ang Allah 
      (Diyos) ay nagsabi tungkol sa Kanyang sarili:
      Isaias 
      47:10 “At walang 
      Nakakakita sa Akin.”
      Isaias 
      46:9 “Ako ay Diyos at 
      walang gaya ko.”
      
      Si Hesus ay nagsabi rin ng ganito:
      Juan 5:37
      “kailanman hindi ninyo 
      narinig ang Kanyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kanyang anyo.”
      
      HULING PANANALITA
      
      Batay sa nabanggit na katotohanang inilahad 
      sa maikling lathalaing ito, ang mga kapatid na Kristiyano ay 
      nangangailangan ng matapat na pag-aaral, masusi at makatuwirang pagsikhay 
      tungkol sa katauhan ni Hesus kaalinsabay ng tunay na diwa at aral ni Hesus 
      sa sangkatauhan.
      
      Ang Banal na Qur’an ay naghahandog sa lahat 
      ng taong naghahanap ng katuwiran, katotohanan at kapayapaan katambal ng 
      pagnanasang matamo ang kahalagahan ng tunay na pagsuko sa Diyos at ang 
      pagkilala sa ating Diyos na Lumikha sa lahat ng bagay. Ang ALLAH. Tanging 
      ang Banal na Qur’an lamang ang siyang nagbibigay ng malinaw na konsepto sa 
      nag-iisang Diyos (Absolute Oneness of God). Ipinahayag din sa Banal na 
      Qur’an si Hesus bilang Sugo, Propeta at Lingkod (Alipin) ng Diyos.
      
       Sa paghahanap ng katotohanan at 
      kaligtasan, gabay ng isang tao ang kanyang makatuwirang pag-iisip at 
      malinis na hangarin kalakip ng tapat na pagsusumamo sa kanyang 
      Tagapaglikha. At sa isang sulok ng kanyang wagas na damdamin naroroon ang 
      dalanging hinubog ng matibay na pag-asa at liwanag na kailanman ay hindi 
      nababahiran ng doktrinang salungat sa walang hanggang aral ng mga 
      Propetang isinugo ng Diyos.
      
      Sa paghahanap ng katotohanan at kaligtasan, 
      ang haligi ng lahat ng kabutihan ay nagmumula sa pagsamba at pagkilala sa 
      iyong Diyos na Tagapaglikha. Ito ang “First Commandment” na likas 
      na nakaukit sa puso at kaluluwa ng Sangkatauhan.
      
      Ang susi sa kaligtasan ay nakasalalay sa 
      tamang pananampalataya, paniniwala at pagsamba sa Diyos. 
      Isinasaalang-alang ng Islam ang Kaligtasan bilang pansariling tungkulin ng 
      tao ayon sa kanyang kabutihan, pagkakawanggawa, pagkamasunurin at 
      paglilingkod sa Diyos at higit sa lahat ang Tunay na pananampalataya na 
      nasa ating puso at isip.
      
      Ang ating Maykapal ay nagsabi na lahat ng 
      ating mga kasalanan ay maaari niyang patawarin maliban sa isa at ito nga 
      yaong pagsamba sa isang bagay na nilikha niya. 
      Ang idolatriya ay isang 
      kasalanang walang kapatawaran. Maging kasinglawak man ng lupa o kasingtaas 
      ng ulap o kasinglalim ng karagatan ang ating kasalanan ngunit ito ay 
      mapapatawad ng Diyos kung tayo ay kumikilala at sumasampalataya sa Kanya 
      lamang. Kaya’t ating bigyang daan sa 
      ating isip ang bagay na ito sapagkat dito nakasalalay ang ating huling 
      hantungan. Walang magandang bagay na hihigit pa kaysa sa K A T U W 
      I R A N sapagkat dito nagsisimulang 
      umusbong ang liwanag tungo sa landas ng kabutihan at ang tunay na 
      kahalagahan ng buhay dito sa lupa at maging sa kabilang buhay.
      
      Sana ay pagpalain tayo ng ALLAH sa ating 
      mga mabubuting gawa lalo na sa paglalahad ng katotohanan tungo sa 
      kapayapaan ng buhay dito at sa kabilang buhay.
       Sumasainyo, 
      Ahmad Jibreel Salas.
 
      IPINAHIHINTULOT ANG PAGLIMBAG NG AKLAT 
      NA ITO
      
      Karagdagang kaalaman tungkol sa Islam, 
      makipag – ugnayan sa isa sa sumusunot: ISCAG-Phil (Islamic Studies, Call 
      and Guidance of the Philippines) - Salitran I Dasmarinas, Cavite. Tel: 
      0063-46-4163371 / Fax 0063-46-4163629. 
      
       
      
      Para sa karagdagang babasahin tungkol sa 
      Islam, maaari ninyong basahin ang
      mga sumusunod ng mga aklat:
      
       
      
      ·       
      Ang Totoong Mensahe 
      ni Cristo Jesus
      
      ·       
      Ang Talakayan ng 
      Kristiyano at Muslim
      
      ·       
      Si Muhammad sa 
      Bibliya
      
      ·       
      Mga Pinaniniwalaan 
      sa Islam
      
      ·       
      Ang Talambuhay ng 
      Propeta
      
      ·       
      Ang Pagpapaliwanag 
      sa mga Mahahalagang Aralin
      
      ·       
      Ang Totoong 
      Relihiyon
      
      ·       
      Ang 
      Pananampalatayang Islam
      
      ·       
      Ang Kabilang Buhay
      
      ·       
      Ang mga 
      alituntunin at ang mga Magandang Asal sa Islam
      
      ·       
      Isang Aklat Para 
      sa Babaeng Muslim
      
      ·       
      Ang Pag-aasawa sa 
      Islam
      
      ·       
      Ang mga Kaasalan 
      sa Islam
      
       
      
      Maaari ninyong buksan ang mga 
      mapananaligang website na tumatalakay tungkol sa tamang aral ng Islam:
      
       
      
      
      www.alharamain.org
      
      
      www.dar-us-salam.com 
      
      
      www.al-hidaayah.co.uk
      
      
      www.bilalphilips.com
      
      
      www.islam-qa.com