Magbalik Islam
Isang
Bukas na Paanyaya
Ang
pagpupuri ay sa Allah lamang ang Panginoon ng mga nilikha. Nawa'y ang
kapayapaan at ang pagpapala ay sumakanyang Propeta na si Propeta
Muhammad (Sallallahu Alayhi Wa Sallam),
sa kanyang angkan at mga kasamahan at sa lahat ng taong tumatahak sa
tamang landas hanggang sa Huling Araw.
Magbalik Islam ito ay isang paanyaya
na may malalim na kahulugan. Magbalik Islam, paanyayang ginagamit ng
mga Muslim sa kanilang pagpapalaganap ng Salita ng Allah (swt).
Paanyayang ginagamit ng isang Muslim upang hikayatin ang tao na
magbalik sa tunay na relihiyon na ibinigay sa kanya ng Allah. Ang
Allah (swt) ay nagwika sa Banal na Qur'an:
"Anyayahan (ang Sangkatauhan) sa landas ng iyong Panginoon (sa
Islam) ng may kaalaman (sa kapahayagan at Banal na Qur'an) at sa
matuwid na pangangaral, at makipagtalakayan sa pamamaraang
pinakamainam. Katotohanan! lubos na nababatid ng Panginoon kung sino
ang nangaligaw sa Kanyang landas, at Siya ang higit na nakababatid
kung sino ang mga napatnubayan ." Qur'an 16:125
Bakit magbalik Islam? Ano ba ang
nais ipakahulugan ng salitang Islam? At bakit tayo nararapat magbalik
dito?
Dalawang
dahilan kung bakit dapat magbalik Islam:
1. Sapagka't ito ang tanging
relihiyon na ibinigay ng Diyos sa lahat ng Kanyang nilikha .
2. Sapagka't ito rin ang unang
relihiyon na sinunod ng mga ninunong Pilipino bago pa dumating ang mga
Kastila o ang Kristiyanismo.
ANO ANG ISLAM?
Ang Islam ay isang salitang Arabic na
nangangahulugan ng ganap na pagsuko at pagpapasakop. Kapag ito ay
ginamit sa katawagang pangrelihiyon, ang kahulugan nito ay ang ganap
na pagpapasakop at pagsunod sa nag-iisang Diyos - Ang Allah (swt).
Ang salitang Islam ay nagmula sa
salitang "Salam" na ang kahulugan ay kapayapaan. Ang sinumang ganap na
nagpapasakop at tumatalima sa utos ng Allah (swt) ay tumatanggap mula
sa Kanya ng tunay na kapayapaan.
SINO ANG MGA MUSLIM?
Ang
salitang Muslim ay katawagan sa mga nilikha na ganap na nagpapasakop
at tumatalima sa utos ng Allah (swt).
SINO ANG ALLAH?
Ang Allah ang Siyang tunay at tanging
Diyos na Tagapaglikha. Siya’y walang anak, hindi Siya ipinanganak at
Siya’y walang katulad. Siya ay hindi lamang Diyos ng mga Muslim o ng
isang tribo o pangkat ng tao, bagkus Siya ang Diyos ng lahat at Siya
lamang ang karapat-dapat sambahin at wala ng iba pa. Siya lamang ang
pinasasamba ng lahat ng Propeta simula pa kay Adan na siyang
kauna-unahang taong Kanyang nilikha.
Ang Allah ay maliwanag na nagpahayag
ng Kanyang sarili ng sumusunod:
"Allah,
walang ibang Diyos na sambahin maliban sa Kanya. Ang Buhay, Ang Walang
Hanggan. Ang antok at idlip ay di makapangyayari sa Kanya. Siya ang
nag-aangkin ng lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan.
Sino baga kaya ang
makapamamagitan sa Kanya malibang Kanya pahintulutan? Talastas niya
ang nakaraan o hinaharap at maging ang lingid (sa kanyang mga nilikha)
Walang makaaabot sa Kanyang kaalaman malibang kanyang naisin. Ang
Kanyang kaharian ay abot ang mga kalangitan at kalupaan, at Siya ay
hindi nakadarama ng kapaguran sa pagpapanatili sa kanila, sapagkat
Siya ang Kataas-taasan, ang Kabanal-banalan."
Qur’an 2:255
Pinananatili ng mga Muslim
na Siya’y tawagin sa Kanyang pangalang Allah dahilang Siya mismo ang
nagbigay ng Kanyang pangalan sa pamamagitan ng kapahayagan na
ipinadala Niya sa Kanyang Propeta.
DALAWANG URI NG PAGSUNOD
SA DIYOS (ALLAH)
May dalawang uri ng
pagpapasakop at pagsunod sa nag-iisang Lumikha at Panginoon ng lahat.
1. LIKAS NA PAGSUNOD
(inherent-unavoidable). Ang likas at di-maiiwasang pagsunod sa
kalooban ng Allah (swt). Ang lahat na nilikha ay nasasakop o
sumasailalim sa "likas na pagsunod". Walang sinumang nilikha ng Allah
ang maaaring tumanggi at sumuway sa Kanyang mga kautusan.
HALIMBAWA :
Ang araw ay binigyan ng Allah (swt) ng kautusan na sumikat at lumubog
sa oras na itinakda sa kanya.
Gayundin, ito ay manatili sa
lugar na itinalaga sa kanya.
Ito ay hindi dapat lumapit o lumayo kahit bahagya man sa mundo at
kanyang tungkulin ang magbigay liwanag, init, at iba pa.
At dahil dito ang araw ay nasasakop sa
tinatawag na "likas na pagsunod" sapagka’t kanya lamang ginagampanan
ang kautusang ito ng Allah (swt) nang walang pagsuway simula pa nang
ito ay likhain.
Ang hangin, tubig, apoy, puno, hayop
at iba pa, ay nilikhang lahat ng Allah (swt) na may kani-kanyang utos
na sinusunod. Sa literal na pananalita, sila ay nasa ilalim ng "likas
na pagsunod".
Ganoon din naman, sila ay literal ding
matatawag na mga Muslim sapagka't ang Muslim ay yaong sumusunod sa
utos ng Allah (swt) at lubusang nagpapasakop sa Kanya. Ang tunay na
Muslim ay yaong ganap na sumusunod ng walang pasubali sa mga batas ng
Allah (swt) at tanging Siya lamang ang pinag-uukulan ng pagsamba.
Dapat din nating mabatid na ang isang
tunay na Muslim ay hindi yaong nagsasabi na siya ay isang Muslim o
ipinanganak sa bansang Muslim, at hindi rin yaong mga tao na ang mga
magulang ay Muslim, Hindi ito ang pagkakakilanlan sa isang tunay na
Muslim.
2. KUSANG - LOOB NA PAGSUNOD
(Willful Obedience)
Ang kusang-loob na pagsunod (willful
obedience) ng nilikha sa mga kautusan ng Allah, ay pagsunod ng may
pagpapasiya maaari niya itong sundin o hindi, Siya ay may layang
magpasiya ayon sa kanyang nais. May dalawang uri sa mga nilikha ng
Allah (swt) ang pinagkalooban Niya ng layang pumili at magpasiya ayon
sa kanilang sariling kagustuhan. Ito ay ang jinn at tao.
Ang sumunod ng kusa sa mga kautusan ng
Allah (swt) ang matatawag na Muslim, Muslim sa diwa ng tunay na
pagtalima sa utos ng Diyos, hindi pinilit bagkus ito ay kusa.
Sa aking panimulang mga paliwanag,
tinalakay ko na tayo ay dapat magbalik Islam, sapagkat ito ang
relihiyon ng lahat ng mga nilikha ng Diyos. Tinalakay ko na ang tao ay
binigyan ng layang pumili upang siya ay sumailalim sa "Kusang-loob na
pagsunod". (willful obedience). Kabilang sa kalayaang ito ay ang
piliin ang relihiyon na ibinigay sa atin ng Allah : Ito ay ang
Al-Islam.
MAIKLING KASAYSAYAN NG ISLAM SA
PILIPINAS
Ang ikalawang dahilan kung bakit
hinihimok ko kayong magbalik Islam ay batay na rin sa natatagong
kasaysayan ng relihiyon sa ating bansa.
Bago pa dumating sa Pilipinas ang
iba't ibang aral tungkol sa pananampalataya, likas na sa ating mga
ninunong Pilipino ang sumamba sa Diyos. Bagama't ito ay hindi ayon sa
katotohanan, sapagka't sila ay maibibilang sa tinatawag na "ANIMIST" o
mga taong sumasamba sa lahat na halos ng mga bagay na nilikha maliban
sa Dakilang Lumikha. Ang sinasamba ng ating mga ninuno noon ay bundok,
araw, buwan, bituin, puno, kidlat, kulog, apoy atbp, ngunit nang
dumating ang aral ng Islam ang tunay na relihiyong galing sa Allah
(swt), nagkaroon ng ganap na pagbabago sa kanilang buhay at relihiyon.
Naitatag nila ang isang pamayanang Muslim, nguni't ito'y hindi
nagtagal. Nang dumating ang mga dayuhang Kastila sa bansang Pilipinas
sinakop nila ito at pinilit nilang palitan ang relihiyong Islam sa
pamamagitan ng dulo ng espada.
Ang relihiyong Islam ay unang inihayag
sa Pilipinas noong 1380 ng isang Arabo na si Sharif Makhdum, itinayo
niya ang unang Masjid sa Pilipinas sa Tubig Indangan, Sumunul, Tawi
Tawi. Si Makhdum ay namatay sa Isla ng Sibutu at doon na rin siya
inilibing.
Noong 1390, si Rajah Baginda ay
dumating sa bansang Pilipinas at itinuloy niya ang naiwang gawain ni
Sharif Makhdum. Ganoon din naman, dumating din si Abu Bakr sa Jolo
noong 1450 at di naglaon siya ay ikinasal sa anak ni Rajah Baginda na
si Prinsesa Paramisuli. Si Abu Bakr ang nagpasimula ng Sultanate sa
Sulu at siya at ang kaniyang asawa ang siyang kauna-unahang Sultan at
Sultana.
Matapos maitatag ang relihiyong Islam
sa Sulu, ang mga Muslim ay kumilos patungong Mindanao sa pamumuno ni
Sharif Kabungsuwan. Sila ay dumaong sa Maguindanao (ngayon ay Cotabato
) noong 1475, at di naglaon siya ay ikinasal kay Prinsesa Tunina. Sila
ang unang Sultan at Sultana sa Maguindanao.
Nang sumunod na mga taon, maraming
Muslim na mga Datu mula sa Borneo ang dumating sa Pilipinas nang
mabalitaan nila ang mabuting pagtanggap ng mga Pilipino.
Ang sampung Datu na galing ng Borneo
ay dumaong sa Panay. Ang mga Datung ito ay sina Datu Puti, Datu
Sumakwel, Bangkaya, Dumangsol, Paiburong, Paduhinog, Ubay, Dumangsil,
Dumalogdog at Balensula (ngayon ay Valenzuela).
Si Datu Puti ang pinuno ng pangkat na
ito sapagkat bihasa siya sa paglalakbay-dagat. Sila ay dumaong sa San
Joaquin, Iloilo(noong araw ay kilala sa tawag na Siwaragan).
Si Datu Puti at ang kanyang siyam (9)
na mga kasama ay binili ang mababang bahagi ng Iloilo kay Marikudo,
ang pinuno ng mga Itas (pygmies) a naitatag nilang ganap ang kolonya o
komunidad ng Islam doon. Nang ang Kumunidad Islam ng mga taga Borneo
ay ganap ng naitatag sa Panay, si Datu Puti, Datu Balensula at
Dumangsil ay naglayag patungong norte at sila'y dumaong sa Batangas.
Itinatag ni Datu Balensula
at Datu Dumangsil ang kanilang komunidad doon sa Batangas subalit si
Datu Puti ay nagbalik sa Borneo at bumagtas sa Mindoro at Palawan.
Nang sumapit siya sa Borneo ay
ibinalita niya ang kanilang naging karanasan. Bunga nito higit na
marami pang mga taga Borneo ang naakit na magpunta sa Pilipinas.
ANG PAGDATING NG MGA
KASTILA AT KRISTIYANISMO
Nang dumating si Magellan sa Limasawa
noong Marso 16, 1521, ang Pilipinas ay isa ng bansang Muslim. 144
taon na ang relihiyong Islam sa bansang Pilipinas bago pa dumating ang
mga Kastila o ang Kristiyanismo. Isang bansang sumasamba sa
nag-iisang Diyos, ang Allah (swt). Katotohanang nakatala sa
kasaysayan ng bansang Pilipinas na nang dumating si Legaspi (kapalit
ng namatay na si Magellan), ang komunidad ng mga Muslim ay ganap ng
naitatag sa Batangas, Pampanga, Mindoro, Panay, Catanduanes, Cebu,
Samar, Manila, Palawan, Mindanao at Sulu. Ang unang Muslim na
nagtanggol sa kalayaan ng Pilipinas at relihiyong Islam ay si Gat Lapu
Lapu.
Noong Hunyo 3, 1571 ay naglunsad ang
mga Kastila ng isang malaking pakikidigma sa mga Muslim sa Maynila.
Ang Maynila noon ay pinamumunuan ni Rajah Soliman. Buong tapang niyang
ipinagtanggol ang Maynila at Islam hanggang sa huling patak ng
kaniyang dugo doon sa Bangkusay sa baybay dagat ng Tundo. Matapos
magapi ng mga Kastila si Rajah Soliman at ang kaniyang mga kapanalig
ay pinagpapatay ng mga Kastila ang maraming Muslim, bata man o
matanda. Gayon pa man ang mga Muslim ay matatag at magiting na
nagtanggol hanggang sa huling hibla ng kanilang hininga.
Dahil sa mahinang uri ng sandata na
taglay ng mga Muslim (bolos at sibat) laban sa baril at kanyon ng mga
Kastila, sila ay napilitang umatras at lumikas patungong probinsiya ng
Rizal at ang lugar na iyon ay kilala sa ngayon sa tawag na Morong
Rizal, at yaong mga lumikas patungo sa gilid ng mga ilog ay tinawag sa
ngayon na Tagalog ( taga ilog ) gaya ng Cavite, Laguna at iba pa. Ang
mga Muslim sa bayan ng Rizal ay patuloy na nakipaglaban sa mga Kastila
at ang lugar na iyon ay kinilala sa ngayon na Binangonan Rizal. Ang
mga Kastila ay nagtatag ng kanilang punong himpilan sa Maynila at
ipinagpatuloy ang pagsakop sa Isla ng Bisaya. Ang mga Muslim na hindi
namatay sa labanan ay napilitang ipatat'wa ang relihiyong Islam at
ipinayakap ang relihiyon ng mga Kastila :
ang Kristiyanismo, sa dulo ng espada.
Nguni't ang mga tapat na Muslim ay pinili pa ang libingan kaysa
lisanin ang pagsamba sa nag-iisang Diyos, ang Allah (swt).
Ang mga Kastila ay hindi tumigil sa
pananakop at hinangad nila na sakupin din pati ang Mindanao ngunit ang
mga Muslim dito gaya ng Maranaw, Maguindanao, Tausog, Yakans, Samal at
Sangil ay buong tapang at buong giting na nagtanggol at hindi
pinayagan ang nais ng mga dayuhan. Nagtanggol sila noon at patuloy pa
ring ipinagtatanggol ang Islam hanggang sa ngayon.
Namayani ang mga Kastila sa bansang
Pilipinas sa loob ng may (400) apat na raang taon. Napakahabang
panahon ng pagpipilit na lipulin ang lahat ng mga Muslim upang mabura
nila sa kasaysayan ng Pilipinas ang relihiyong Islam, ngunit sila ay
nabigo, hanggang sa ang pamumuno ng mga Kastila ay magwakas noong 1898
nang agawin ng bansang Amerika ang Pilipinas.
Lumasap man ng
pansamantalang pagkalupig ang bansang Pilipinas, ang relihiyong Islam
na bigay ng Dakilang Lumikha ay mananatiling nakatayo at matatag, na
kailanman ay hindi matitinag.
ANG TAO SA ILALIM NG
"FITRAH"
Ang tao ay sumasailalim sa
Likas na pagsunod, simula pa ng isilang ng Ina at siya ay
nakasalig sa pagpapala at pag-gabay ng Allah (swt). Sa panahong ito,
siya ay hindi sumusuway sa lahat ng kautusang itinakda ng Diyos sa
kanya hanggang sa sapitin niya ang kakayahang magpasya.
Sa bahaging ito ng buhay ng
tao siya ay nasa ilalim ng tinatawag na "FITRAH" (Arabic) na ang
kahulugan ay, likas na pagsunod ng tao sa kalooban ng Diyos (Natural
inclination of man to obey God). Ang kalagayang ito ng tao sa ilalim
ng "FITRAH" ay hindi nawawala, ngunit maaaring malihis, malayo o
maligaw.
Sa dahilang ang bata ay wala
pang lakas at hindi pa wasto ang kaisipan at talino upang pumili at
magpasya ayon sa kanyang sariling kagustuhan, siya ay sunud-sunuran
lamang sa lahat ng nais gawin ng kanyang mga magulang, o mga taong
nag-aruga at nagpalaki sa kanya.
Ang mga tao sa kanyang paligid ang
siyang may kakayahang akayin siya sa tama o maling landas ng pagsamba.
Sa isang Hadith ni Propeta Muhammad
(saws), siya ay nagsabi: "ang bawa't sanggol ay ipinanganak sa
ilalim ng FITRAH, nguni't ang kanyang mga magulang ay ginawa siyang
isang Hudyo, Kristiyano, o Pagano ...” (Sahih Muslim -
English trans. vol. 4, page 1398 # 6423)
Magkagayon, kung ang isang tao ay
mabuhay na nag-iisa at lumaking malayo sa anumang sibilisasyon,
mamumuhay siyang sumasamba sa nag-iisang Diyos na sa kaniya ay
Lumikha. Kaya’t kailanman ay hindi mangyayaring siya ay maging isang
Hudyo, Kristiyano, o isang Pagano (tulad ng Hindu o Budhismo).
Katiyakan na ang kanyang sasambahin ay ang nag-iisang Diyos na may
likha ng Langit at Lupa at ng lahat ng mga nilikha, sapagka’t ito ang
kanyang Likas na relihiyon. Ito’y sapagka’t ang kanyang Fitrah (Likas
na Pagsunod) sa Diyos ay hindi nabahiran ng maling katuruan.
Tulad ng katawan ng bata o ng tao, sa
simula ay nagpapasakop sa mga batas na itinakda ng Allah (swt). Ganoon
din naman, ang kaniyang puso at kaluluwa ay nagnanais na tumalima,
sumunod at magpasakop sa Allah. Nguni't ang kanyang mga magulang o mga
tagapag-alaga ay pinalaki siya at tinuruan na sumunod sa kanilang mga
pansariling paniniwala. Ang mga paniniwalang ito ay turo at utos
lamang ng tao, hindi utos ng Lumikha.
Sa paglaki ng tao, ang relihiyon na
kanyang sinusunod ay hindi piniling kusa, bagkus ang relihiyon na gawa
at turo lamang ng kanyang kapwa.
Sa sandaling sapitin na ng tao ang
wastong gulang at kaisipan, at kanya ng malaman ang tama sa mali,
dapat na niyang alamin ang buong katotohanan. Nararapat siyang pumili
at magpasiya ayon sa sariling kalooban at kaisipan. Tungkulin niyang
piliin at sundin ang tunay na relihiyon na ibinigay ng Allah (swt),
ang pagpapasakop lamang sa Kanya. Sa kalagayang ito, siya ay
sasailalim na sa "Kusang-loob na pagsunod" (willful obedience) sa
Allah (Diyos).
"At
ipinakita Namin sa kanya ang dalawang landas (mabuti at masama)."
Qur’an 90:10
BABALA
!!!! Sa bahaging ito ng
buhay ng tao, ang Satanas ay gagawa ng lahat ng paraan upang ang tao
ay mapanatili niya sa maling relihiyon. Gagamitin ng Satanas ang mga
magulang, kapatid, asawa, anak, kamag-anak, kaibigan, trabaho,
kapitbahay, at iba pa, upang mapanatili niya ang tao sa maling
relihiyon na kanyang kinagisnan.
Dito masusubukan ang pagpapasiya ng
isang tao kung papaano niya gagamitin ang kalayaang pumili ng tamang
relihiyon na nakalulugod sa Diyos na lumikha sa kanya. Katotohanan na
may malaking bilang ng tao ang nagsasabing mayroon silang sinusunod na
relihiyon. Ngunit ang relihiyon na kanilang pinaniniwalaan ay hindi
sila ang pumili. Ito'y kinagisnan lamang nila o ipinayakap sa kanila.
Hindi sila ang pumili at hindi rin sila ang nagpasiya.
Ang bawa't tao ay pinagkalooban ng
Allah (swt) ng layang pumili . . . subali’t ginamit mo ba ang
kalayaang ito?
Ikaw ba'y kabilang sa mga taong
hindi pinili ang relihiyong sinusunod at pinaniniwalaan?
Kung piliin mong sundin ang "FITRAH",
ang iyong likas na Pagsunod at pagsamba sa nag-iisang Diyos- ang Allah
(swt), ikaw ay tutulungan Niya, sapagkat nasasaad sa Banal na Qur'an :
"At sinuman ang naisin ng Allah na patnubayan, bubuksan Niya ang
dibdib sa Islam..."
Qur'an 6:125
Alalahanin:
Ito ang dalawang uri ng pagsunod, Likas at Kusang-Loob.
Dapat nating tandaan na walang
nilalang sa sanlibutan, na nilikha ng Allah (swt), maging ito ay
gumagalaw o hindi, may hininga o wala, nag-iisip o hindi, at maging
jinn o tao ang hindi nasasakop ng ibinigay Niyang relihiyon : ang
Islam, ang sambahin lamang Siya, tanging Siya. Ang Allah mula sa
Kanyang Banal na Quran ay nagsabi:
“Hindi ko nilikha ang Jinn at ang
tao maliban na sambahin nila Ako.”
Qur’an 51:56
Ang ISLAM ay relihiyong hindi bago,
hindi rin magbabago, at lalong hindi maluluma o lilipasan ng panahon.
Ito'y mananatili magpakailanman at maging ang tanging pagsamba sa
nagiisang Diyos - ang Allah (swt) .
Ito ang relihiyon na hindi lamang para
sa mga tao, bagkus ito ay relihiyon din ng lahat ng nilikha maging sa
langit, sa lupa o nasa tubig, sila ay sasamba at magpupuri sa Allah na
lumikha sa kanila.
"Sila ba ay naghahanap pa ng iba
liban sa relihiyon ng Allah, samantalang ang lahat ng nilikha, sa
langit man o sa lupa ay sumusunod sa Kanya, Kusa man o Hindi, at sa
Kanya ang lahat ay magbabalik."
Qur'an 3:83
"Ang pitong langit at ang lupa at
ang lahat ng naroroon ay nagpupuri sa Kanya, at walang anumang nilikha
na hindi nag-aalay ng pagsamba sa Kanya; ngunit ang kanilang papuri ay
di ninyo nauunawaan."
Qur'an 17:44
"Matuwa ang langit at magalak ang
lupa; humugong ang dagat, at ang buong naroon; sumaya ang bukirin at
lahat na nasa kanya; kung magkagayon aawit dahil sa kagalakan ang
lahat ng punong kahoy sa gubat; sa harap ng Panginoon; sapagka't
Siya'y dumarating."
(Bibliya) Salmo 96:11-13
Ang mga talatang ito sa Banal na
Qur'an at maging sa Bibliya ay isang matibay na patotoo na walang
partikular na nilikha ang hindi nagpupuri sa Allah (swt) at sumasamba
sa Kanya, tunay na ang lahat ay nasa ilalim ng relihiyong Islam.
ITO ANG KATOTOHANAN !!!
Isa lamang ang lumikha at ang lahat ay
Kanyang nilikha na nararapat sumamba, magpasakop at sumunod lamang sa
Kanyang mga ipinag-uutos. Kung ang lahat ng nilikha ay sumasamba sa
Allah (swt) ang nag-iisang Diyos, nararapat bang hindi ka mabilang
sa kanila?
Kung ikaw man ay nailihis lamang ng
paniniwala, nailigaw o naturuan ng maling relihiyon ng ibang tao,
nararapat kang magpasiya at piliin mo ang pagsunod sa kalooban ng
Diyos. Ikaw ay magbalik sa Kanya !!
IKAW AY MAGPASYA, IKAW AY MAGBALIK
ISLAM
Ito ang unang dahilan kung bakit
nararapat kang magbalik Islam, sapagka't ito ang tunay mong relihiyon,
ang relihiyon ng lahat ng nilalang, ang relihiyon maging ng ating mga
Ninuno.
PANGWAKAS NA SALITA
Ito ang buod ng mensahe ng aklat na
ito, na iisa ang relihiyong ibinigay ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga
nilikha, ang relihiyong Islam. At gayun din naman, ito rin ang
kauna-unahang relihiyong niyakap ng ating mga ninunong Pilipino nang
sila ay magising sa katotohanan, at sinunod nila nang may kabanalan.
Alalahanin, hindi ito bagong
relihiyon na ipapalit sa pananampalatayang iyong pinaniniwalaan
bagkus, ito ang dati mong relihiyon na kanilang pinalitan.
Panahon na upang piliin mo ang
relihiyong iyong ipamumuhay. Kung ikaw ay nalihis, o ikaw man ay
naligaw... Ikaw ay magpasiya....sundin mo ang kalooban ng Dakilang
Lumikha, ang Allah (swt).
Ikaw ay magbalik Islam
ISANG BUKAS NA PAANYAYA
"At sinuman ang magnais ng ibang
relihiyon maliban sa Islam, kailanma'y hindi ito tatanggapin sa
kaniya, at sa kabilang buhay siya ay mapapabilang sa mga taong ang mga
gawain ay nawalan ng kabuluhan."
Qur'an 3:85
Dagdag na Paalala:
* Ang lahat ng mga Propeta
tulad ng mga sumusunod: Noah, Abraham, Moses, Jesus, at Muhammad (Ang
Pagpapalala at Pagbati ng Allah ay sumakanila) ay iisa lamang ang
inihatid na mensahe sa sangkatauhan, ito ay ang sambahin lamang ang
nag-iisang Diyos, ang Allah, at huwag maglagay ng kasama Niya sa
Kaniyang Kaluwalhatian.
* Huwag hayaang lumagpas ang
gintong pagkakataon na mabasa ang Banal na Qur’an, ang bukod tanging
Banal na Aklat ng Diyos na nasusulat sa dalisay at orihinal nitong
Kapahayagan.
* Alamin ang katotohanan
hinggil sa tunay na relihiyong ipinadala ng Lumikha bago sumapit sa
atin ang itinakdang kamatayan, Katiyakan, kapag ang tao ay patay na,
hindi na siya maaaring bumalik pa sa mundong ito upang doon
magpasiyang yakapin at sundin ang relihiyong ibinigay ng Dakilang
Lumikha (Allah).
Maaari ninyong
buksan ang mga mapananaligang website na tumatalakay tungkol sa tamang
aral ng Islam:
www.alharamain.org
www.dar-us-salam.com
www.al-hidaayah.co.uk
www.bilalphilips.com
www.islam-qa.com