ANG UNANG KAUTUSAN NG DIYOS
Ang
Pagsamba sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha ang siyang UNANG KAUTUSAN
na nakatala sa mga Banal na Kasulatang ipinahayag Niya sa
Sangkatauhan. Ang Suhuf (Kalatas ni Abraham), ang Zabur
(Psalmo ni David), ang Tawrah (Torah ni Moises), ang Injeel
(Ebanghelyo ni Hesus) at ang Qur’an na ipinahayag kay
Muhammad------lahat ay tila isang tanikalang gumagapos sa iisang
hugpong na mensahe-----“O, Sangkatauhan! sambahin ninyo ang
inyong Diyos na Lumikha sa inyo!”
SINO
ANG DAPAT
S
A M B A H I N?
Sinulat ni Ahmad Jibreel
Salas
Arabic Text Reviewed by: Muhammad
Taha Ali
Arabic-Filipino Translator from the
Office of
Islamic Propagation and Guidance
Center-Rabwa, Riyadh City
Sa Ngalan
ng Allah
Ang Mahabagin, Ang Maawain
Ang Panimula
Bago natin talakayin ang paksang
“Sino ang dapat sambahin?” bigyan nating liwanag ang mga
pangunahing pangangailangan upang maabot natin ang pinakadiwa at
kahulugan ng mensahe ng aklat na ito.
I.
Mayroon Nga Bang Diyos?
Bagama’t ang tao ay nilikha na may
likas na paniniwala sa isang Diyos, mayroon namang mga taong “atheist”
o walang paniniwala sa Diyos. Pag-aralan natin nang may katapatan at
malalim na pag-iisip ang lahat ng bagay na nilikha sa buong
santinakpan kabilang na ang ating sarili—ang ating matang nakakakita,
ang puso nating tumitibok, ang dilang nagsasalita, ang taingang
nakaririnig, ang bibig na nakalalasa, ang katawang nakadarama, ang paa
at kamay na gumagalaw, ang ating damdaming marunong magmahal,
malungkot, magsaya at magalit. Sa ating kapaligiran, makikita ang
magagandang tanawin, mga pananim na may iba’t ibang bunga at bulaklak,
mga iba’t ibang uri ng hayop at mga ibong lumilipad, ang mga karagatan
at tubig na umaagos, ang hanging hinihingahan at dumadampi sa ating
balat, ang mga kulumpong na bituin sa kalangitan at araw na nagbibigay
liwanag at init. Hindi ba ito ay mga palatandaan sa likas na
katotohanan na tunay nga na mayroong isang Manlilikha? Kung bibilangin
natin ang lahat ng pagpapalang ipinagkaloob Niya sa atin—sino kaya sa
atin ang hindi tatalima, susuko at susunod sa Kautusan ng Nag-iisang
Diyos na Tagapaglikha? Ang Qur’an ay nagpahayag ng katotohanan:
Qur’an 41:37
“Kabilang sa Kanyang mga
palatandaan ay ang gabi at araw, ang araw at buwan. Huwag kayong
magpatirapa sa araw at buwan bagkus magpatirapa (sumamba) sa Allah na
Siyang lumikha sa kanila, kung tunay nga na Siya ang inyong
sinasamba.”
Qur’an 45:3-6
“Katotohanan!, mula sa mga kalangitan at kalupaan ay mga palatandaan
para sa mga mananampalataya (sa Nag-iisang Diyos-Allah). At sa
pagkakalikha sa inyo at sa anumang buhay na nilalang na nangagkalat
(sa lupa) ito ay mga palatandaan para sa (taong) may tiyak na
pananampalataya. At sa pagsasalitan ng gabi at araw, at sa panustos na
ibinaba ng Allah mula sa kalangitan, at mula rito ay muling binuhay
ang tigang na lupa na dati ay walang buhay. At sa pagbabago ng ihip ng
hangin, ay mga palatandaan para sa mga taong may pang-unawa. Ito ang
mga palatandaan ng Allah na Aming binibigkas sa iyo ng makatotohanan:
samakatuwid sa ano pa bang pagpapahayag ang maaaring paniwalaan
nila pagkaraang (itakwil nila) ang Allah at ang Kanyang mga
palatandaan?”
II. Ang Tamang Konsepto (Pagkilala)
Sa Isang Tunay Na Diyos
Ang ikalawang pangunahing pangangailangan upang ganap na maunawaan ang
paksang tatalakayin, ay ang tamang pagkilala o konsepto sa Diyos.
Bagamat maraming tao ang naniniwala sa pagkakaroon ng nag-iisang
Diyos, ang pagkilala rito ay kapos at walang batayan. Ano nga ba ang
katotohanan tungkol sa tunay na pangalan ng Nag-iisang Diyos? Ang
matibay na batayan rito ay ang orihinal na wika ng mga Propeta na
isinugo ng Nag-iisang Diyos at ang Banal na Kasulatan na dala ng mga
naturang Propeta. Pumili tayo ng mga kinikilalang Propeta at Banal na
Kasulatan. Nangunguna na rito ang tatlong dakilang Propeta ng tatlong
pangunahing relihiyon sa mundo, sina Moises (Judaismo), Hesus
(Kristiyanismo) at Muhammad (Islam). At mula sa mga Banal na
Kasulatan, babanggitin natin ang Torah ni Moises (wala na ang orihinal
nito kaya ang batayan ng mga Hudyo ay ang Lumang Tipan), ang
Ebanghelyo ni Hesus (wala na rin ang orihinal na Ebanghelyo, kaya ang
batayan ay ang Bagong Tipan, at ang Huling Banal na Kasulatan na
tinatawag na Al Qur’an ng huling Propeta- Muhammad. Batay sa mga
nabanggit na mga Propeta at ang kanilang mga Banal na Kasulatan, ating
matutunghayan sa ilang pahina ng mga kasulatang ito ang katawagan na
ginamit na tumutukoy sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha. Sa maikling
salita, ginamit ni Moises sa kanyang wikang Hebreo ang Eloihim,
ginamit ni Hesus sa kanyang wikang Aramaiko ang Eli at ginamit
ni Propeta Muhammad ang Allah batay sa kanyang wikang arabik at
kapahayagang Al Qur’an.
Allah-Ang Nag-iisang Tunay Na Diyos
Ang Kahulugan Ng “Yahweh”
Ang Kahulugan Ng “Bathala”
Ang salitang “Bathala” ay mula
sa wikang arabik na “Bayt Allah”. Ang salitang “Bayt” ay
katumbas ng “Bahay o Tahanan” sa ating wikang Pilipino. At ang
“Allah” naman ay ang Nag-iisang Diyos. Kaya, kung pagsasamahin
ang dalawang salitang Bayt Allah o Bathala ang kahulugan
nito ay Bahay o Tahanan ng Diyos (Allah). Samakatuwid, kahit sa
salitang Bathala, ating matatagpuan ang bakas ng katotohanan na walang
ibang tunay na diyos maliban sa Allah.
Ang “God, Gods At Goddess”
Ang Konseptong “Diyos Ama”
III. Bakit Nilikha Ng Allah Ang
Sangkatauhan?
Mula sa pananaw ng sangkatauhan, ang
katanungang “Bakit nilikha ng Allah (Diyos) ang Sangkatauhan?”
ay nagpapahiwatig ng isa pang mahalagang katanungan---“Ano ang
pananagutan ng tao sa Allah (Diyos)?” Sa Huling Kasulatan o
Kapahayagan ng Diyos---ang Banal na Qur’an, ang katanungan ay binigyan
ng malinaw na kasagutan. Ang Diyos na Tagapaglikha ay nagsabi na ang
bawat tao ay isinilang na may likas na pagkilala sa Diyos. Ang
paniniwala sa iisang Diyos ay nakatatak sa bawat kaluluwa ng tao. At
batay sa likas na paniniwala sa iisang Diyos, ang layunin ng
pagkakalikha sa tao ay binigyan ng paliwanag. Ang Diyos na
Tagapaglikha (Allah) ay nagpahayag batay sa Banal na Qur’an ng
ganito:
Qur’an 51:56
“At hindi Ko nilikha ang
Jinn
at Tao maliban lamang na Ako ay kanilang sambahin.”
Kung ang dahilan ang pagkakalikha sa
tao ay upang sumamba sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha, magkagayon,
ang tao ay pumapailalaim sa Kapangyarihan ng Diyos na Tagapaglikha
bilang alipin. Samakatuwid, ang Diyos na Tagapaglikha ay tumatayo
bilang Panginoon ng Sangkatauhan. Ang Makapangyarihang Diyos bilang
Panginoon ng tao ay nagbigay ng mga Batas at Pamamaraan ng Buhay
upang maisakatuparan at maitaguyod ng tao ang Banal na Layunin ng
pagkakalikha sa kanya- ito nga ay ang pagsamba sa Kanya lamang. At
upang maiparating ang mga Batas o Kautusan para sa tao, pumili Siya ng
mabubuting tao na tinatawag nating mga PROPETA o SUGO. At sila ang
nagbigay patunay at nagturo sa sangkatauhan kung paano isagawa ang
lahat ng kautusan at Batas ng Nag-iisang Diyos. Sila ay nagpaliwanag
sa lahat ng tao kung sino ang dapat sambahin bilang Diyos at Panginoon
kalakip nito ang tamang pamamaraan ng buhay tungo sa kabutihan bilang
paghahanda sa buhay na walang hanggan. Ang lahat ng Propeta-kabilang
na si Adan, Noah, Abraham, Lot, Jacob, Isaak, Ismael, Moises, Aaron,
David, Juan Bautista, Hesus at ang huli sa kawing ng mga Propeta na si
Muhammad (Sallallahu Alayhi Wa Sallam)
ay nagkaisa sa pagtataguyod ng natatanging mensahe-ang Pagsamba sa
Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha. Nasa tamang pagsamba matatagpuan
ang haligi ng kabutihan na siyang gabay tungo sa wagas na buhay at
kaligtasan. Kung ang isang tao ay may tamang konsepto tungkol sa
Diyos, hindi mahirap para sa kanya na gampanan ang tungkulin bilang
alipin ng Diyos, magkagayon, umuunlad ang kanyang pananampalataya at
ang tunay na takot sa Diyos ay kanyang nadarama. Bunga nito,
natututunan niyang iwasan ang masama. Kung siya man ay nagkasala, siya
ay dagliang tumatalima at nagbabalik loob.
IV. Ang Unang Kautusan Ng Allah
(Diyos)
At dahil nga sa ang layunin ng
pagkakalikha sa tao ay upang sumamba lamang sa Tanging Isang Diyos,
ito ang una, pangunahin at pinakadakilang Kautusan ng Diyos na
ipinagkaloob Niya sa tao sa pamamagitan ng Kanyang mga Sugo at
Propeta. Ang PAGSAMBA LAMANG SA IISANG DIYOS NA TAGAPAGLIKHA
ang Unang Kautusan na nakatala sa lahat ng Banal na Kapahayagan o
Kasulatan na ipinadala ng Diyos sa lupa. Ang unang Kautusang ito ang
siya ring unang katanungan sa tao sa Araw ng kanyang Kamatayan
“Sino ang iyong Panginoon (at Diyos)? Kaya ang Qur’an ay laging
nagpapaala-ala at nagbibigay babala sa sangkatauhan na manatili sa
pagsamba sa Diyos na lumikha sa kanya:
Qur’an-2:21-22
“O! Sangkatauhan,
sambahin ang inyong (Rabb)
Panginoon (Allah) na Siyang lumikha sa inyo at sa mga naunang (lahi)
sa inyo upang kayo ay magkaroon ng kabanalan (takot sa Kanya). Siya
ang gumawa ng kalupaan para sa inyo bilang (inyong) pahingahan at ang
kalangitan bilang silungan, at nagpaagos mula sa langit ng tubig
(ulan) at mula rito ay umusbong ang mga bungang-kahoy bilang inyong
kabuhayan. Kaya’t huwag magtakda sa Allah ng mga kaagaw (sa pagsamba)
samantalang ito ay inyong nalalaman (na walang ibang Diyos na dapat
sambahin maliban sa Allah).”
Qur’an-2:28
“Paano ang di ninyo
paniniwala sa Allah (samantalang) kayo ay walang buhay at kayo ay
binigyang buhay Niya? Pagkaraan, kayo ay binigyang kamatayan at muling
bubuhayin (sa Araw ng Paghuhukom) at sa Kanya kayo ay ibabalik.”
Sa bawat panahon at sa lahat ng
salin-lahi ng tao, ang Unang Kautusang ito ay nanatili bilang isang
Banal na Kautusan na siyang buod at diwa ng Kaligtasan. Ito ang siyang
kabuuan ng lahat ng uri ng kabutihan. At upang ang sangkatauhan ay
magkaroon ng magkakatulad na kaisipan, konsepto, pagkilala sa iisang
Diyos, at makaiwas sa pagsamba sa mga diyos diyusan, isinugo Niya ang
mga Propeta sa bawat panahon, sa bawat pamayanan at lahi bilang
Tagapagpaliwanag at Tagapagbabala.
Kaya naman, ang Kautusang ito ay dala
ng lahat ng Propetang isinugo ng Diyos na Tagapaglikha na hindi
nagbago mula pa sa unang araw ng pagkakalikha Niya kay Adan hanggang
sa Araw ng Paghuhukom. Ang Qur’an ay nagsabi:
Qur’an-16:36
“Katotohanan, Aming ipinadala sa bawa’t pamayanan ang isang Sugo
(na nag-aanyayang): Sambahin ang Allah at iwasan ang huwad na diyos.”
Qur’an-4:163
“Katotohanan, Aming kang
binigyan ng (kapahayagan) inspirasyon (O, Muhammad) katulad ng
(kapahayagan) inspirasyong ipinagkaloob Namin kay Noah at sa mga
propetang (dumating) pagkaraan niya. At Amin ding binigyang
inspirasyon si Abraham, Ismael, Isaak, Hakob at ang Al Asbat
(labindalawang anak ni Hakob), Hesus, Hob, Jonas, Aaron, at si Solomon
at kay David ipinagkaloob ang Zabur (Psalmo). At sa mga Sugo na Aming
isinalaysay sa iyo noong una at mga Sugo na hindi isinalaysay at kay
Moises, ang Allah ay tuwirang nangusap sa kanya.”
V. Ang Natatangi At Tampok Na
Mensahe Ng Mga Propeta At Sugo Ng Nag-iisang Diyos
Mula nang ang Kasalanang Idolatriya
(pagsamba sa Huwad na Diyos) ay lumaganap sa pamayanan ng tao, ang
Diyos na Tagapaglikha (Allah) ay lagi ng nagsugo ng mga Propeta upang
maituwid ang tao sa pagkalugmok sa kasalanan nang dahil sa maling
pagsamba. Lahat ng Propeta na dumating sa mundong ito ay naghangad na
hanguin ang sangkatauhan sa dilim ng Idolatriya tungo sa liwanag ng
pagsamba sa nag-iisang Diyos batay sa prinsipiyong Tawheed (Pagkilala
at Pagsamba sa Kaisahan ng Diyos).
Qur’an 6:82-86
“Sila na mananampalataya
(sa Kaisahan ng Allah at sumasamba lamang sa Kanya) at hindi
ipinaghahalo ang paglabag sa katarungan sa kanilang pananampalataya,
ang mga iyon ay kanilang matatamo ang kapanatagan at sila ay
napatnubayan. At ito ang patunay Namin na Aming ipinagkaloob kay
Abraham laban sa kanyang
mamamayan. Aming itinataas ang mga karangalan ng sinumang Aming
naisin. Katiyakan, ang iyong Panginoon ay Matalino,( ang) Maalam.
At Aming ipinagkaloob sa kanya
(Abraham) sina Isaak at Hakob, bawat isa sa kanila ay Aming
pinatnubayan at nauna sa kanya, Aming pinatnubayan si Noah at mula sa
kanyang mga lahing sina David, Solomon, Hob, Joseph, Moises, at Aaron.
Ganito Namin ginagantimpalaan ang gumagawa ng kabutihan. At kay
Zakariyah, at Juan at Hesus at Elias, bawat isa sa kanila ay
nabibilang sa mga matutuwid. At sina Ismael at Elisha, at Jonah at Lot
at bawat isa sa kanila ay Aming pinili ng higit sa mga nilalang (sa
kanilang panahon).”
Ang mga talata sa ibaba mula sa Qur’an
ay mga patunay na ang mensahe ng mga Propeta at Sugo ay walang
pagkakaiba sa pangunahing aral at katuruan ng mga ito.
Qur’an 42:13
“Itinalaga Niya sa inyo ang relihiyong katulad ng itinagubilin Niya
kay Noah at yaong ipinahayag sa iyo (O, Muhammad) at siya ring
itinagubilin kay Abraham at Moises at Hesus (na nagsabing): “Itatag
ninyo ang relihiyon at huwag maghiwa-hiwalay rito.”
Sa kasaysayan ng mga Banal na
Kasulatan na ipinahayag ng Tanging Isang Diyos, ang katotohanan ay
nanatiling nakatala magdaan man o lumipas ang mahabang panahon.
Magbalik tanaw at paghambingin ang mensahe ng mga Propeta at Sugo ng
Diyos.
Ang Mensahe Ni Propeta
Noah
Si Propeta Noah ay
nanatiling nanawagan sa mga tao na sumamba lamang sa Panginoong
Tagapaglikha hanggang umabot siya ng 950 taong gulang. Sa panahong
yaon, ang mga tao ay sumasamba rin sa mga rebulto at istatwa na
tinawag nilang mga diyos na nangangalang Wadd, Suwa, Yaghuth, Ya’uq at
Nasr. Si Propeta Noah ay patuloy na nagtiis sa pagbibigay babala sa
tao at nagwika:
Qur’an-71:2-3
“Sinabi niya: O,
aking mamamayan Katotohanan, ako ay isang malinaw at maliwanag na
Tagapagbabala (Sugo) sa inyo---Na inyong dapat sambahin (lamang) ang
Allah. Matakot sa Kanya at ako
ay inyong sundin.”
At dahil sa kawalan ng pananampalataya
sa tanging isang Diyos, dumating ang delubyo (malaking baha) bilang
parusa sa kanila at sila ay nilunod at pinangyaring mapasok sa
Impiyerno. Ang Qur’an ay nagsabi:
Qur’an-71:25
“Dahil sa kanilang mga kasalanan, sila
ay nilunod at pinangyaring mapasok sa Apoy. At wala silang matagpuang
mga karamay bukod sa Allah.”
Ang Mensahe Ni Propeta
Abraham
Kung ano ang pangunahing aral ni Noah,
ay siya ring aral na ipinamahagi ng mga sumunod na Propeta. Lagi at
lagi nang nagsusugo ng Propeta ang Diyos na Makapangyarihan upang ang
tao ay manatili sa pagkilala sa Kanya. Sa mahabang panahon ang
Makapangyarihang Diyos ay binigyang patnubay ang sangkatauhan at hindi
Niya hinayaang maligaw ng landas. Iminumulat ang tao sa malinis na
pagsamba at pagkilala sa tunay na Diyos laban sa maling pagsamba sa
mga diyos-diyosan ng ginawa lamang ng sariling imahinasyong pag-iisip
ng ilang taong naligaw ng landas. Si Propeta Abraham ay kinilala ng
mga Hudyo, Kristiyano at maging ang mga Muslim bilang Ama ng
Pananampalataya (Father of Faith in the Oneness of God). Sa kanyang
panahon, ang mga tao ay muling sumamba sa mga istatwa o rebulto.
Maging ang kanyang ama ay deboto sa mga istatwa o imahen. Minsan,
kanyang pinagpapalakol ang mga rebulto at ang palakol ay isinandal
niya sa malaking rebulto. Nang dumating ang mga taong sumasamba sa mga
rebulto o istatwa, sila ay nagulat sa pagkakasira ng kanilang mga
diyos. Kaagad nilang
naisip si Abraham dahil lantaran siyang sumasalungat sa pagsamba sa
mga diyos-diyusan nila. Kaya
tinanong nila si Propeta Abraham kung sino ang may kagagawan ng
pagkawasak ng mga rebulto. Itinuro ni Propeta Abraham ang
pinakamalaking rebulto at sinabing ang rebultong ito ang may
kagagawan. Nagalit ang mga tao kay Propeta Abraham at siya ay iginapos
at tinangkang sunugin. Paano nga namang magagawa ng isang rebultong
walang buhay ang paninira sa ibang rebultong kasama nito? Ang
pangyayari o kasaysayang ito ay isa lamang paraan upang magising at
maimulat ang tao sa katotohanan na walang dapat sambahin kundi ang
Tagapaglikha. Ang tunay na Diyos ay walang larawan at hindi
maihahalintulad sa isang rebulto, imahen, istatwa o anupamang ginawa
ng kamay ng tao. Na ang tao ay dapat talikdan ang pagsamba sa mga
istatwa, rebulto, imahen, larawang inanyuhan, propeta o anupamang
bagay na nilikha lamang at hindi makapagbibigay kapakinabangan sa
kanila. Mula sa Banal na Qur’an, ito ay nagpahayag:
Qur’an-29:16
“At (tandaan), nang si Abraham ay
magsabi sa kanyang mamamayan:Sambahin ang Allah (lamang) at magkaroon
ng takot sa Kanya. Ito ay makabubuti sa inyo kung nalalaman lamang
ninyo ito.”
Qur’an-29:17
“Ang tanging inyong sinasamba ay mga
diyos-diyusang (rebulto at istatwa) lamang bukod sa Allah at kayo ay
gumagawa ng isang
kasinungalingan (at kapalaluan). Katotohanan, yaong sinasamba ninyo
bukod sa Allah ay walang kapangyarihang makapagbigay ng inyong
ikabubuhay. Kaya, humingi (lamang) ng ikabubuhay sa Allah at sambahin
Siya lamang at maging mapagpasalamat sa Kanya. (Sapagkat) sa Kanya
ang inyong pagbabalik.”
Ang Mensahe Ni Propeta
Hakob
Ang aral ni Propeta Abraham ay siya
ring aral na iniwan sa kanyang mga anak na sina Propeta Ismael at
Isaak. Nang magkaanak si Isaak, na ang ngalan ay Hakob (Yakub), iniwan
din ang pangunahing kautusang ito.
Qur’an-2:133
“O, kayo ba ay saksi nang si Hakob ay
naghihingalo? Nang sabihin niya sa kanyang mga anak na lalaki, “Ano
ang inyong sasambahin kung ako ay yumao?” Sila ay nagsabi, Aming
sasambahin ang iyong Diyos—Allah, na (Siya ring) Diyos ng iyong mga
ninuno na sina Abraham, Ishmael, Isaak- Isang Diyos (lamang) at kami
ay sumusuko sa Kanya.”
Ang Mensahe Ni Propeta
Joseph (anak ni Propeta Hakob)
Ganito rin ang aral na
iniwan ni Propeta Hakob (na tinawag na Israel) sa kanyang mga anak (12
tribes) kabilang si Propeta Joseph (Yusuf).
Qur’an-12:38
“At aking sinusunod ang
relihiyon ng aking mga ninuno,--Abraham, Isaak at Hakob (at) hindi
kami magbibigay ng anupamang katambal (sa pagsamba) sa Allah. At ito
ay isang pagpapala mula sa Allah para sa amin at para sa Sangkatauhan
nguni’t karamihan sa tao ay walang pasasalamat.”
Ang Mensahe Ni Propeta
Elijah (Elias)
Ang mga sumunod pang mga
lahi ay ganoon din ang aral katulad ni Propeta Elias. Matutunghayan sa
Banal na Qur’an ang paanyaya at babala niya sa tao na:
Qur’an-37:123-126
“At
Katotohanan, si Elias ay isa sa mga isinugo. Nang siya ay nagsabi sa
kanyang mamamayan; ”Kayo ba ay walang takot sa
Allah?
Dadalangin ba kayo kay Ba’l (diyus-diyosan sa kanilang lugar) at
itatakwil ang pinakamahusay na Tagapaglikha?
Ang Allah ang inyong Panginoon at
Panginoon ng inyong mga naunang ninuno.”
Ang Mensahe Ni Propeta
Moises
Mula sa aklat na
ipinagkaloob ng Diyos (Allah) kay Moises na tinatawag na Torah (Tawrah
sa Arabik) at maging sa SAMPUNG KAUTUSAN (Ten Commandments of God) na
magpahanggang ngayon ay kinikilala at ibinabantayog ng mga Hudyo at
mga Kristiyano, ang pangunahing Kautusan ay IBIGIN MO ANG DIYOS NG
HIGIT KANINUMAN. At ang pag-ibig sa Diyos ang siyang diwa ng ganap at
wagas na pagsamba sa Nag-iisang Diyos (Allah) na Siyang may likha sa
lahat ng bagay. Si Moises ay matibay na inihayag ang pangunahing
kautusan mula sa Bibliya at nagsabi:
Deuteronomy-6:5
“Pakinggan mo O
Israel, Ang Panginoong Diyos ay Isang Panginoon.
At inyong mahalin ang inyong Panginoon
ng buong puso, ng buong kaluluwa at buong lakas.”
Ang kasaysayan ni Paraon ay hindi
kukupas at laging mananatili sa kaisipan ng bawat tao. Si Paraon ay
isang hari sa Lumang Ehipto (Egypt). Itinuring niya ang kanyang sarili
bilang diyos at panginoon ng mga taong sinasakupan niya. Siya ay
mapagmataas at walang kinikilalang diyos maliban sa kanyang sarili.
Ang Banal na Qur’an ay nagsalaysay tungkol kay Paraon:
Qur’an-28:38
“At si Paraon ay nagsabi: O! aking mga
tagapamahala, wala akong nalalaman (o kinikilalang) iba pang diyos
para sa inyo maliban sa akin. Kayat magpaningas ka para sa akin, O
Haman ng apoy sa luwad (batong tisa) at ipagpatayo mo ako ng
isang mataas (matayog) na palasyo (tore) upang aking matanaw ang Diyos
ni Moises at tunay na ako ay
nagtuturing na siya (Moises) ay kabilang sa mga sinungaling.”
Ang pagbibigay babala ni Propeta
Moises ay nagpatuloy hanggang magpakita ito ng mga himala upang
patunayan nito kay Paraon na mayroong isang tunay na Diyos (Allah) na
dapat kilalanin at sambahin.
Ngunit, si Paraon ay mapagmataas at matigas ang puso at kalooban.
Bagama’t, ang kanyang sariling mga salamangkero (magician) ay
pakumbabang tinanggap ang himalang ginawa ni Moises sa kapahintulutan
ng Allah, si Paraon ay nanatiling matibay sa kanyang paniniwala na
siya lamang ang diyos na dapat kilalanin ng kanyang mga tauhan.
At dahil nga sa kalupitan
niya sa mga kasamahan ni Moises, nagpasiya ang mga ito na lumikas at
mangibang bayan kasama si Moises. Sa patnubay ng Allah, sila ay
inutusan na tahakin ang karagatan na sa pamamagitan ng kapangyarihan
ng Allah, ang dagat ay nahawi at nahati at naging isang daan ito sa
pagtakas patungong ibayong lugar. Hinabol ni Paraon at ng kanyang mga
tauhan ang mga kasamahan ni Moises.
Ngunit sa kapangyarihan ng Allah, si
Paraon at ang kanyang mga tauhan ay inagaw ng malalaking alon. Ang
kasaysayang ito ay pinatunayan ng Banal na Qur’an.
Qur’an-28:40
“At Aming hinablot siya (Paraon) at ng
kanyang mga kawal at inihagis sa karagatan (at pinangyaring malunod)
Kayat pagmasdan kung paano ang nagiging wakas (kahihinatnan) ng mga
makasalanan.”
Nang si Paraon ay malulunod na, siya
ay nagsisi at ang pangyayaring ito ay ipinahayag ng Banal na Qur’an na
nagwikang:
Qur’an-10:90
“Siya (Paraon) ay nagsabi: Ako ay
naniniwala na walang diyos (na dapat sambahin) maliban sa Allah---na
Siyang pinaniniwalaan ng mga Angkan ni Israel, at ako ay isa sa mga
Muslim---- sumusuko sa Kalooban ng Allah.”
Ngunit, ang pagsisisi ni
Paraon ay huli na sapagkat ang kamatayan ay naitakda na sa kanya. Ang
Qur’an ay nagsabi:
Qur’an-10:91
“Ngayon pa ba,
samantalang sumuway ka noon at ikaw ay kabilang sa mga gumagawa ng
katiwalian ?”
Qur’an-10:92
“Kaya sa araw na ito,
Aming iaahon (dadalhin) ang iyong bangkay (mula sa karagatan) upang
ikaw ay maging palatandaan (o maging
aral at babala) sa mga darating pang lahi pagkalipas mo.
Katotohanan, marami sa sangkatauhan ang hindi nagbigay pansin sa Aming
mga palatandaan (o babala).”
Maging sa kasalukuyang
panahon, ang bakas ng kasaysayan ni Paraon ay makikita pa rin sa
makabagong Ehipto. Ang patay na
katawan ni Paraon at ng ilang mga kasamahan ay makikita sa mga museleo
ng Ehipto. Sa mga Archeological sites laging natatagpuan ang
ilang labi ng kaharian ni Paraon at ng ilang bangkay ng kanyang mga
kasamahan. Ito ay isang patunay lamang kung ano ang sinabi ng Allah
mula sa Banal na Qur’an na binanggit sa itaas.
Kahit lumipas pa ang
libo-libong taon, ang bangkay ni Paraon ay mananatiling isang naiwang
babala para sa sangkatauhan. Ipagpatuloy natin ang ginawang
pagpapakasakit ni Propeta Moises pagkaraan lumikas sila sa kamay ni
Paraon tungo sa ibang pook. Tunghayan ang paksang “Pagsamba sa Baka”
bilang karugtong ng kasaysayan ni Propeta Moises at ng kapatid niyang
si Propeta Aaron.
Ang Mensahe Ni Propeta
Hesus
Ang mensahe ni Hesus ay
walang pagkakaiba sa mensaheng dala ng mga Propetang nauna sa kanyang
kapanahunan. Hindi ito
sumasalungat sa pundamental na aral ng lahat ng Propeta. Halimbawa: Sa
Bibliya (Bagong Tipan), si Hesus ay nagbigay aral din sa Unang
Kautusang (pagsamba sa iisang Diyos) ito at nagwikang:
Markus-12:29
“Pakinggan mo O, Israel. Ang Panginoon
nating Diyos ay Isang Panginoon. At iyong mahalin ang iyong Panginoong
Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, ng buong isip at ng buong lakas.”
Mula naman sa pahina ng Huling
Kapahayagan- ang Qur’an, matutunghayan din ang tunay na mensaheng dala
ni Hesus. Minsan, ang isang disipulo ni Hesus ay nagtanong sa kanya.
Ano ba ang pang-ulo (pangunahing) kautusan?
Si Hesus ay nagsabi:
Qur’an-3:51
“Katotohanan, ang Allah ang aking Rabb
(Panginoon) at inyong Rabb (Panginoon) kaya’t Sambahin Siya. Ito ang
matuwid na landas.”
Qur’an-5:72
“At nagsabi ang Mesiyas:’O, angkan ng
Israel, Sambahin ang Allah, na aking Panginoon at inyong Panginoon.
Katotohanan! Ang sinumang nagtatambal sa Allah, ang paraiso ay
ipagkakait sa kanya. At ang apoy ang kanyang tirahan”
At maging sa Bibliya, nang tanungin si
Hesus ng kanyang mga disipulo tungkol sa buhay na walang hanggan, siya
ay nagwika:
Juan-17:3
“At ito ang buhay na walang hanggan,
na inyong makilala ang Nag-iisang tunay na Diyos, at si Hesus na
Kanyang isinugo.”
Tunay nga na ang kaligtasan ng tao ay
nakasalalay sa pagsamba sa nag-iisang Diyos katulad ng katotohanang
inihayag ni Hesus sa kanyang mga disipulo.
Ang Mensahe Ni Propeta Muhammad
(Sallallahu Alayhi Wa Sallam)
Sa panahon ni Propeta Muhammad (Sallallahu
Alayhi Wa Sallam) bago pa man dumating
ang Relihiyong Islam, ang Ka’bah-sentro ng pagsamba ay napapaligiran
ng iba’t-ibang istatwa, imahen, larawan ng mga hayop, at iba pa. Ang
mga arabo sa panahong yaon ay nagtayo sa kanilang mga sarili ng
kanya-kanyang diyos na inaalayan ng iba’t ibang uri ng pag-aalay.
Ngunit ng dumating ang Kapahayagan ng Diyos (ang Qur’an) na nag-utos
na talikdan ang pagsamba sa iba’t ibang diyos diyosan, ang Ka’bah ay
naging malinis sa anupamang uri ng Idolatriya. Silang mga arabo ay
nagising sa katotohanan na walang ibang diyos na dapat sambahin kundi
ang Allah. Ang Allah, ang Makapangyarihan ay nag-utos kay Propeta
Muhammad (Sallallahu Alayhi Wa Sallam)
mula sa Banal na Qur’an:
Qur’an-7:158
“Sabihin mo (Muhammad):‘O Sangkatauhan! Katotohanan, ako ay isinugo sa
inyong lahat bilang Sugo ng Allah- Na Siyang nagmamay-ari ng
Kapamahalaan ng mga Kalangitan at ng Kalupaan. Walang ibang
diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya, Siya ang nagbibigay
buhay at kamatayan. Kaya’t maniwala sa Allah at sa Kanyang Sugo.”
Qur’an-28:70
“At Siya ang Allah, walang ibang diyos
(na dapat sambahin) maliban sa Kanya. Ang Papuri at pasasalamat ay sa
Kanya (lamang) sa mundong ito at sa Kabilang buhay. At sa Kanya ang
kapasiyahan, at sa Kanya kayo ay ibabalik ( lahat).”
VI. Iba Ang Tagapaglikha, Iba Ang Nilikha
Sa ngayon karamihan sa tao ay muling
bumalik sa maling pagsamba. Marahil, ito ay dahil na rin sa kawalan ng
pinanghahawakang orihinal na Kasulatan na maaaring makapagbigay ng
tamang pang-unawa tungkol sa Diyos. Sa iba’t ibang relihiyon ng
makabagong panahon ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos ay yaong ang
Diyos na TAGAPAGLIKHA ay naging isang NILIKHA. At dahil sa
paniniwalang ito, sila ay sumasamba sa inaakala nilang diyos. Ang mga
ganitong paniniwala ay tunay na nagbibigay daan upang ang tao ay
maharap sa pinakamalaking kasalanan, ang IDOLATRIYA. Ang pagsamba ng
tao sa kapwa nilikha maging ito ay isang Propeta, Anghel, Santo, baka
o anupaman, ay isang malaking kasalanan na dapat iwasan ng tao. Ito ay
ganap na pagtalikod sa Unang Kautusan ng Diyos (First Commandment). At
kailanman, hindi ito aral ng mga Propeta. Ang konsepto na “ang Diyos
ay nasa lahat ng bagay” ay isang kamaliang paniniwala ng karamihan sa
tao. Ang tamang konsepto dito ay “ang Diyos ay nakaaalam ng lahat ng
bagay” Ang Diyos ay Ganap na Makapangyarihan at hindi Niya kailangang
maging tao o hayop o maging anupamang nilikha upang makausap Niya o
magkaroon kaya ng tuwirang ugnayan sa Kanyang mga nilikha. Hindi Niya
kailangang pumaroon pa sa isang lugar upang makita Niya ito. Taglay
Niya ang walang hanggang Kaalaman, Kapangyarihan at Karunungan. Batid
Niya ang laman ng puso ng sinuman. Ganap Niyang nalalaman ang galaw at
kaisipan at maging ang pangangailangan ng Kanyang nilikha. Batid Niya
ang anumang bagay na nasa mga kalangitan at kalupaan at maging ang
nasa pagitan ng mga ito. Kung Kanyang naisin at itakda ang isang
bagay, Siya ay magsasabi lamang ng “Kun (Maging)” at
“Fayakun” mangyayari nga!
Wala Pang Nakakita Sa
Diyos!
Tunay nga na karamihan sa
tao ay kadalasan ay humahantong sa pagsamba sa isang nilikhang katulad
niya. Ngunit isang katotohanan
ang dapat gawing batayan.
Wala pang nakakita sa tunay
na Diyos. Kung ang sinasamba ng isang tao ay isang banal na tao,
hayop, rebulto o larawan santo o santa dapat niyang malaman na ito ay
hindi tunay na Diyos sapagkat mula sa mga Banal na Kasulatan, ang
tunay na Diyos ay walang larawan o imahen at hindi Siya maaaring
magkaroon ng anyong katulad ng Kanyang mga nilikha. Ang Kanyang
Katangian, Diwa, Anyo, Mukha at kabuuan ay hindi maaaring makatulad ng
sinuman sapagkat Siya ang Natatanging Tagapaglikha na ganap na iba
kaysa sa Kanyang mga nilikha.
Ang Qur’an ay nagsabi na wala pang mata o paningin ang nakakita sa
Kanya:
Qur’an-6:103
“Walang (kaisipan o) paningin ang
makapanghahawak sa Kanya ngunit Kanyang napanghahawakan ang lahat ng
(kaisipan o) paningin.”
Qur’an-112:4
“At sa Kanya ay walang (makakatulad
at) makakapantay.”
Maging sa Lumang Tipan (Bibliya) ng
mga Kristiyano nakasaad na sinabi ng Diyos:
Isaias-47:10
“At walang Nakakakita sa Akin.”
Isaias-46:9
“Ako ay Diyos at walang gaya ko.”
Si Hesus ay nagsabi rin ng
ganito:
Juan-5:37
“Kailanman hindi ninyo narinig ang
Kanyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kanyang anyo.”
Juan-1:18
“Walang tao ang nakakita sa
Diyos sa anumang oras.”
Ang Pagsamba Kay Hesus-Ang Messiah
(Mesiyas)
At dahil ang layunin ng pagkakalikha
sa tao ay upang sumamba lamang sa nag-iisang Manlilikha, ang pagsamba
kay Hesus tuwiran man o hindi ay ganap na pagtalikod sa kautusan ng
Diyos na ang hantungan at ibubunga ay walang hanggang parusa sa
nagliliyab na apoy ng Impiyerno. Ito ay kasalanang walang kapatawaran.
Maging si Hesus ay hindi nagsabi na siya ay Diyos na nagkatawang
tao. At kailanman, si Hesus ay hindi nagsabi na siya ay dapat
sambahin. Ang pagsamba ng tao sa kaninumang nilikha ay binigyang
babala ng Bibliya. Katotohanan, walang kabuluhan ang pagsamba ng tao
sa kapwa nilikha sapagkat ang Tunay na Diyos ay hindi tao. Sa Bibliya
ay nasusulat, ang Diyos ay tuwirang nagsabi na Siya ay hindi tao o
kaya’y nagkatawang tao:
Oseas-11:9
"Sapagkat ako ay Diyos, hindi tao."
Mga Bilang-23:19
"Ang Diyos ay hindi tao na
magsisinungaling o ni anak ng tao na nagsisisi."
Kung ang Diyos ay nagsabi na siya ay
hindi tao, si Hesus sa kanyang sarili ay nagsabi na siya ay tao
lamang. Nangangahulugan na ang turo ng simbahan o ng iba pang pinuno
sa relihiyong Kristiyanismo ay sumasalungat sa pangunahing aral ni
Hesus. Ang Bibliya ay nagsabi:
I Timoteo-2:5
"Sapagkat may isang Diyos at may isang
tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao. Ang taong si Kristo
Hesus."
Ang Katanungan Ng Allah (Diyos) Kay
Hesus Sa Araw Ng Paghuhukom
At dahil nga sa paniniwala at pagsamba
ng mga Kristiyano kay Hesus bilang Diyos, sa Araw ng Paghuhukom, si
Propeta Hesus ay haharap sa Diyos na Tagapaglikha (Allah). Siya
(Allah) ay magsasabi:
Qur’an-5:116-117
“At tandaan: Nang ang Allah ay
magsasabi: O, Hesus, anak ni Maria, ikaw ba ay nagsabi sa tao: “Gawin
ninyo ako at ang aking Ina bilang mga diyos bukod pa sa Allah?
Siya (Hesus) ay magsasabi:
Luwalhati sa Iyo! (O Allah)
Hindi ko maaaring sabihin ang anumang bagay na wala akong karapatan,
ito ay Iyong batid. Batid Mo
(O, Allah) ang aking kalooban gayong ang sa Iyo ay di ko batid.
Katotohanan, Ikaw
(lamang) ang lubos na Nakaaalam sa mga bagay na lingid. Wala akong
sinabi sa kanila maliban kung ano ang Iyong ipinag-uutos: Sambahin ang
Allah (Diyos), ang aking Panginoon at inyong Panginoon at ako ay saksi
habang ako ay kasama nila at nang ako ay bawiin Mo, Ikaw (O, Allah!)
ang Tagapagmasid sa kanila at (tanging) Ikaw ang Saksi sa bawat
bagay.”
Maging sa Bibliya, mayroon ding
babalang sinabi si Hesus para doon sa mga taong sumusunod sa mga hindi
makatuwirang doktrina na ginawa lamang ng tao at doon sa mga taong
ginawang Panginoon si Hesus. Sa Araw ng Paghuhukom, ang mga taong
sumamba kay Hesus ay magsisilapit sa kanya.
Si Hesus ay magsasabi:
Mateo-15:9
"Datapwa’t walang
kabuluhan ang pagsamba sa akin na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang
mga utos ng mga tao."
At sila naman na tumatawag ng
Panginoon kay Propeta Hesus, sa Bibliya ay mababasa:
Mateo-7:22
"Panginoon, Panginoon, hindi baga
nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangapalayas
kami ng mga demonyo at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming
gawang makapangyarihan?
"
Si Hesus ay nagtakwil sa
ganitong uri ng tao. At mula sa Bibliya mababasa na siya ay nagwika:
Mateo-7:23
"Kailanman, hindi ko kayo
nangakikilala. Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng
katampalasanan."
Karamihan sa mga makabagong
Kristiyano ay ganap na tumalikod sa malinis at wagas na aral ni Hesus.
Bagamat sila ay kumikilala sa Diyos na Tagapaglikha, ang kanilang
pagsamba, panalangin at pagbibigay puri ay nakatuon at iniuukol kay
Hesus bilang kanilang Panginoon. Sa paglalahad natin ng mga
katotohanan, bakit nga ba patuloy na iniluluklok si Hesus bilang
Makapangyarihang Diyos o Panginoon samantalang wala namang isang bagay
na nalikha si Hesus bagkus siya rin ay nilikha lamang. Tunay na hindi
ito makatarungan sa Diyos na ang karapatan Niya ay ganap na
ipinagkaloob ng mga Kristiyano kay Hesus. Naway magkaroon ng magandang
kaisipan ang mga Kristiyano tungkol sa pagbibigay kaibahan sa Diyos
bilang tunay na Panginoon at kay Hesus bilang isang alipin ng Diyos at
Dakilang Sugo at Propeta. Ang Qur’an ay naghahandog ng patnubay sa
lahat ng tao, maging siya man ay Kristiyano o anumang kinasasapiang
relihiyon.
Ang Pagsamba Kay Buddah
Sa relihiyong Buddhismo,
pinaniniwalaan ng karamihan mula sa labas ng Northern India na si
Buddha ay diyos na nagkatawang tao. Bagamat walang Banal na Kasulatan
ang nagpapatunay na si Buddha nga ay isang diyos, patuloy siyang
itinuturing ng kanyang mga tagasunod bilang Diyos na naging tao.
Karagdagan pa nito, maging si Buddah sa kanyang sariling bibig ay
hindi nagbigay kautusan na siya ay diyos na dapat pag-ukulan ng
pagsamba. Ang ganitong kalakaran ay walang pagkakaiba sa pagsamba ng
mga Kristiyano kay Hesus na inaakalang Diyos na naging tao.
Ang Pagsamba Sa Baka
Maging sa relihiyong
Hinduismo, iba’t ibang uri ng mga diyos ang kanilang sinasamba at
itinuturing nila ang baka bilang isa na may katangiang banal.
Ipinagbabawal sa mga Hindu ang kumain ng baka sapagkat ito nga ay may
pagkabanal na dapat pag-ukulan ng kakaibang pagsamba. Walang kaibahan
ito sa panahon ni Propeta Moises, nang siya ay umakyat sa Bundok Sinai
upang mangusap sa Panginoong Diyos, iniwan niya ang kanyang mga
mamamayan sa paanan ng bundok. Nang hindi agad nakabalik si Moises,
ang mga tao ay gumawa ng isang imahen ng baka at kanila itong itinakda
bilang kanilang diyos.
Nang dumating si
Moises, namangha siya sa kanyang nakita.
At nagsabi:
Qur’an-2:54
“O aking mamamayan! Katotohanan, nagkasala kayo sa inyong mga sarili
sa pamamagitan ng paggawa ninyo sa baka (bilang diyos-diyusan). Kaya’t
magbalik-loob (magsisi) sa inyong Tagapaglikha…”
Ang Pagdalangin Sa Mga
Rebulto, Imahen At Mga Santo At Santa
Ang pagdalangin o paghingi
ng tulong o kapatawaran mula sa mga santo, santa, krus o anupamang
bagay na likha lamang ng kamay ng tao ay katumbas na rin ng pagsamba
sa kanila. Marami pa rin tayong nakikita sa kalakhang Kristiyanismo na
may mga taong gumagawa ng mga santo o santa at kanila itong
ipinagbibili. Ang taong bumili nito ay agad namang ipinabebendisyon sa
isang pari. Pagkaraan nito, ito ay magsisimula ng luhuran at dasalan.
Bakit nga ba napakababaw ng kaisipan ng ibang tao tungkol sa Diyos?
Ang kabanalan o dangal ba ng ating Tagapaglikha ay katumbas lamang ng
isang putol ng kahoy na nililok ng isang tao at pagkaraan ay ginawang
imahen? Mayroon nga bang karapatan ang isang tao na gumawa ng santo o
santa na maaaring dasalan ng kapwa tao? Mayroon bang kaibahan ang mga
santo o santa sa ibang istatwa, laruang manika, manikin, robot na
ginawa rin ng tao mula sa kanyang mga kamay? Ang tanging kaibahan
lamang ay ang mga santo o santa ay binasbasan ng isang pari. At kailan
ba naman nagkaroon ng karapatan ang isang pari na gawing banal na
imahen ang isang putol ng kahoy na binihisan lamang ng makislap na
damit? Sadyang ganap na taliwas ito sa Banal na kautusan ng Tunay na
Diyos. Ang pangyayaring ito ay walang kaibahan ng panahon ni Propeta
Abraham. Kanyang natagpuan ang kanyang ama at ibang tao na sumasamba
sa mga imahen o rebulto.
Si Propeta
Abraham ay nagsabi:
Qur’an-21:52-53
“(Tandaan) Nang siya ay magsabi sa kanyang ama at mamamayan :’Ano ba
ang mga imaheng ito na pinaglalaanan ninyo ng pagsamba?
Sila ay nagsabi: Natagpuan naming sumasamba ang aming mga ninuno sa
mga ito?”
Ang Qur’an ay nagbigay
babala sa mga taong dumadalangin at sumasamba bukod sa tunay na Diyos.
Qur’an-21:66-67
“Siya ay nagsabi” ‘Bukod sa Allah, sumasamba ba kayo sa mga bagay na
hindi makapagbibigay ng anumang buti sa inyo o di
makapagdulot ng pinsala sa inyo? Sumpa sa inyo at sa mga (bagay)
sinasamba ninyo bukod sa Allah! Wala ba kayong pag-iisip?”
Qur’an-37:95-96
“Siya ay nagsabi: inyong sinasamba yaong nililok ninyo (ginawa ng
inyong mga kamay) Samantalang ang Allah ang Siyang lumikha sa inyo at
ng inyong ginagawa.”
Qur’an-7:195
“Sila ba (istatwa,rebulto) ay mayroong
mga paa na nakakalakad? O, sila ba ay mayroong mga kamay na
nakapanghahawak? O, sila ba ay mayroong mga mata na nakakakita? O,
sila ba ay mayroong tainga na nakaririnig?”
Qur’an-21:98
“Katiyakan, kayong (walang
pananampalataya sa Allah) at yaong inyong sinasamba bukod sa Allah ay
panggatong sa Impyerno. (Katiyakan), kayo ay papasok rito.”
Maging sa Bibliya ang ganitong gawain ay ganap na ipinagbawal:
Isaias-44:9
"Silang nangagbigay anyo sa larawang
inanyuhan ay walang kabuluhan silang lahat at ang kanilang mga bagay
na kinalulugdan ay hindi napapakinabangan."
Exodus-20:3-4
"Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos
sa harap Ko. Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuhan o ng
kawangis man ng anumang anyong nasa itaas sa langit o ng nasa ibaba ng
lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa."
Exodus-20:23
"Huwag kayong gagawa ng ibang mga
diyos na iaagapay sa Akin."
Ang Kasalanang
Walang Kapatawaran
Ang Idolatriya
(pagsamba bukod sa Tunay na Diyos) ay isang kasalanang walang
kapatawaran. Maging ang labis na paghanga, pagmamahal at pagdakila
pagpuri at pagbubunyi sa kapwa tao maging ito ay propeta, bayani,
santo o santa, politiko, artista ay isang kasalanang walang
kapatawaran. Kahit na ang labis na pagmamahal sa yaman at materyal na
bagay ay nagiging sanhi upang ang tao ay mahulog sa Idolatriya
ng hindi niya ito namamalayan. Ang tao bilang isang nilikha at alipin
lamang ay nararapat na iukol ang tapat na pagsamba, wagas na
pagmamahal, pagdakila, pagbubunyi, pagpuri, panalangin,
pagsasakripisyo ng yaman at buhay sa kanyang Panginoon at Diyos na
Tagapaglikha (Allah) na Siyang nagkaloob sa kanya ng buhay at
kamatayan. At sa Kanya lamang ang pagbabalik ng lahat pagkaraan ng
kanyang pansamantalang pamamalagi dito sa lupa. Ang ating Tagapaglikha
ay nagbigay babala tungkol sa mga mabibigat na kasalanang dapat iwasan
ng sangkatauhan. Nangunguna na rito ang pagsamba sa iba’t ibang
diyos-diyosan bukod sa Tunay na Diyos-Ang Tagapaglikha, Allah.
Qur’an-4:48
“Katotohanan, ang Allah ay hindi nagpapatawad sa sinomang nagbibigay
katambal sa Kanya (Allah) ngunit Kanyang pinatatawad ang kasalanang
bukod dito sa sinumang nais Niya.
At sino
man ang nagbibigay katambal sa Allah ay tunay na nakagawa ng
kagimbal-gimbal na pagkakasala.”
Nang tinanong ang Propeta Muhammad (Sallallahu
Alayhi Wa Sallam). Ano ang
pinakamalaking kasalanan sa mata ng Allah? Ang Propeta ay nagsabi:
“Ang pagsamba sa iba bukod pa sa Allah (pagbibigay katambal sa Kanya
sa pagsamba) samantalang (nalalaman ng tao) na Siya (Allah) ang
lumikha sa kanila.”
Ang kasalanang ito ay mapapatawad
lamang hanggang nabubuhay ang tao at nagbalik-loob at nagsisi ng
kanyang kasalanan. Nilinis niya ang kanyang puso, isip, gawain at diwa
sa lahat ng uri ng Idolatriya (pagsamba sa nilikha lamang). Ang
kanyang panalangin at pagdarasal ay tuwirang nakatuon sa kanyang Diyos
na Tagapaglikha. At ang pagsasagawa ng pagdarasal, panalangin, at
pagbibigay kawanggawa ay naaayon sa katuruan ng mga Propeta.
Ang Pinakamasamang
Nilikha
Sa kaisipan ng tao, ang mga pinakamalaking kasalanan (heinous crimes)
ay ang pagpatay, pang-aabuso, pang-aapi, panggagahasa, at pagnanakaw
subali’t sa paningin ng Makapangyarihang Diyos, ang pinakamalaking
kasalanan ay ang pagtalikod sa Unang Kautusan- sapagka’t ito ay hindi
pagtupad sa tungkulin o pananagutang ipinag-utos Niya. Ito ay hayag
na kawalan ng pananampalataya sa tunay na Diyos at bulag na pagsamba
sa huwad na diyos.
Qur’an-8:22
“Katotohanan, ang pinakamasamang nilikhang nabubuhay sa mata ng Allah
ay yaong pipi at bulag (sa katotohanan) na walang pang-unawa.”
Ang tinutukoy na pipi at bulag sa
talatang ito ay yaong mga tao na walang pagpapahalaga sa katotohanan
at makatuwirang pang-uusisa. Sa kabila ng maliwanag na kapahayagan at
pag-anyaya na tanging ang Lumikha lamang ang siyang dapat pag-ukulan
ng pagsamba at paghingi ng tulong, patuloy na pinananatili sa kanilang
isip at gawain ang maling pagsamba sa mga bagay na walang idinudulot
na kapakinabangan sa kanilang pamumuhay at sa kabilang buhay.
Qur’an-2:10
“Sa kanilang mga puso ay isang sakit
(ng pag-aalinlangan at pagkukunwari) at dinagdagan ng Allah ang sakit
nila. At isang kasakit-sakit na parusa ang matatamo nila sapagkat sila
ay palagiang nagsisinungaling.”
Qur’an-2:16
“Sila yaong ipinagpalit ang patnubay sa kamalian kaya’t ang kanilang
pangangalakal ay walang kapakinabangan. At sila ay hindi
pinatnubayan.”
Qur’an-2:18
“(Sila ay) pipi, bingi at bulag (sa katotohanan), kaya’t sila ay hindi
makababalik (sa tamang landas)”
Matakot Sa Diyos Na Siyang Lumikha Sa Sangkatauhan!
Bilang isang nilikha ng
Diyos na Makapangyarihan, tayo ay dapat magkaroon ng tunay na takot sa
Kanya sa pamamagitan ng pagsunod at pagkilala sa Kanya at sa Kanyang
mga Kautusan. Ang Sugo ng
Allah-Muhammad (Sallallahu Alayhi Wa Sallam)
ay tinanong:
“Sino ba ang pinakamarangal sa lahat ng tao? Siya ay sumagot: Ang
pinakamarangal sa mata ng Diyos (Allah) ay yaong masunurin at
tumutupad sa kanyang tungkulin at siya na mayroong ganap na takot sa
Allah.”
Dapat tayong magkaroon ng takot sa
Allah sapagkat batid Niyang lahat ang nasa ating kalooban at puso. Ang
Qur’an ay nagsabi:
Qur’an-3:102
“O, kayong mananampalataya! Matakot sa
Allah nang may tunay na pagkatakot at huwag mamatay maliban sa
kalagayang Islam (pagsuko at pagtalima sa Kanya.)”
Qur’an-3:175
“Ngunit matakot sa Akin kung tunay na
kayo ay may pananampalataya.”
Qur’an-30:31
“Magtungo sa Kanya nang may pagsisisi
at matakot sa Kanya: magsipagsagawa ng pagdarasal at huwag sumama sa
mga taong nagbibigay katambal (sa Allah sa pagsamba).”
Ang Tapat Na Pagsisisi
At Pagbabalik-loob Sa Tagapaglikha
Ang mga ilang Hadith Qudsi ay
isinalaysay ni Anas bin Malik mula kay Propeta Muhammad (Sallallahu
Alayhi Wa Sallam) na ang Allah ay
nagsabi ng may ganitong nilalaman:
“O, anak
ni Adan hanggang ikaw ay nananawagan (nananalangin) sa Akin nang may
pagtitiwala sa Aking Awa, ikaw ay Aking patatawarin sa iyong mga
kasalanan sa pinakamagaang paraan.
O, anak ni Adan kahit na ang iyong kasalanan
ay umabot pa sa dulo ng dako pa roon, at ikaw ay humingi ng
kapatawaran sa Akin, ikaw ay Aking patatawarin.
O, anak ni Adan, kung ikaw ay
magbalik-loob sa Akin nang may dalang kasalanang kasimbigat ng mundo
at hindi ka nagbibigay katambal sa Akin (sa pagsamba), Ako ay darating
sa iyo nang may Kapatawarang kasinlaki ng mundo.”
Si Propeta Muhammad (Sallallahu
Alayhi Wa Sallam) ay nagsabi:
"Kung ikaw ay dumalangin, dumalangin
lamang sa Allah, at kung ikaw ay hihingi ng tulong, humingi lamang sa
Allah."
Karagdagan pa, ang Propeta Muhammad (Sallallahu
Alayhi Wa Sallam) ay nagsabi:
"Itinatanong mo ba sa akin kung ano
ang kabutihan? Tanungin mo ang iyong puso. Ang kabutihan ay yaong
kapanatagang nadarama ng iyong puso at kaluluwa at ang kasalanan ay
kung ano ang ikinababahala ng iyong kaluluwa at puso bagamat
sinasang-ayunan ka ng ibang tao ng paulit-ulit."
Ang Pagsamba at Tapat na
Pagkilala at pagsunod sa Tagapaglikha ang Siyang Katotohanan at
Kaligtasan. Ito ang
tunay na katotohanan. Ito ang banal na mensahe na dapat malaman ng
lahat ng tao. Ito ang kaligtasan. Tunay nga na nasa tamang pagsamba at
pagkilala ng tao sa Allah matatagpuan ang ganap na patnubay. Wala ng
iba pang maganda at tamang konsepto ang maihahambing sa Banal na
Qur’an sapagkat ito ang Huling Kapahayagan ng Allah sa sangkatauhan.
May mga tao na pinaghahandaan o ginagawang maganda ang kanilang buhay
sa pamamagitan ng pagpapayaman o pagsusuot ng mamahaling damit,
paggamit ng magagandang kagamitan. Ang kanilang pisikal na katawan ay
tila baga walang katapusan, walang kapaguran at walang kamatayan.
Ngunit ang kanilang buhay ispirituwal ay uhaw sa pagnanasang
makaugnay o makapaglingkod sa Diyos na lumikha sa kanila.
Qur’an-4:1
“O, Sangkatauhan! Matakot kayo sa
inyong Rabb (Panginoon, ang Allah) na Siyang lumikha sa inyo mula sa
iisang tao (Adan), at mula sa kanya, nilikha Niya ang kanyang asawa
(Eba) at mula sa kanilang dalawa ay nilikha Niya at ikinalat ang di
mabilang na kalalakihan at kababaihan.”
Ang Pagsamba at Pagtalima sa
Tagapaglikha ay matatagpuan ang Kapayapaan ng Puso.
Ang kaligayahan at kapayapaan ng buhay ay wala sa sukat ng yaman o
antas ng pamumuhay kundi nasa kapanatagan ng puso. Ang kapanatagan ng
puso ay nasa pagsunod sa Batas ng Allah. Ang kaligtasan ba ay dapat
ipakipagsapalaran ng tao? Isa sa pinakamagandang bagay na ipinagkaloob
ng Diyos sa tao ay ang pagkakaroon ng magandang kaisipan at katuwiran.
Kaya naman ito ang nagiging gabay at daan sa paghahanap ng katotohanan
ng buhay. Si Abu Hurayrah (isang kasamahan ng Sugo ng Allah) ay
nagsalaysay mula kay Propeta Muhammad (Sallallahu Alayhi Wa
Sallam) na ang Allah, Ang
Makapangyarihan, ay nagsabi:
“O, anak ni Adan, ilaan ang iyong
sarili sa pagsamba sa Akin at Aking pupunuin ang iyong puso ng
kapanatagan (kapayapaan) at aking papawiin ang iyong kahirapan at
kung ito ay hindi mo gagawin Aking pupunuin ang iyong mga kamay ng
mga pag-aabala sa mundong ito at hindi Kita ilalayo sa kahirapan.”
(At-Tirmidhi-Hadith Qudsi/pahina 39)
Ang Pagsamba sa Nag-iisang Diyos
na Tagapaglikha ang Siyang Batayan ng Makatuwirang Kaisipan.
Sa paghahanap ng katotohanan at kaligtasan gabay ng isang tao ang
kanyang makatuwirang pag-iisip at malinis na hangarin kalakip ng tapat
na pagsusumamo sa kanyang Tagapaglikha. At sa isang sulok ng kanyang
wagas na damdamin naroroon ang dalanging hinubog ng matibay na pag-asa
at liwanag na kailanman ay hindi nababahiran ng doktrinang salungat sa
walang hanggang aral ng mga Propetang isinugo ng Diyos.
Qur’an-35:3
“O, Sangkatauhan! alalahanin ang
pagpapala ng Allah sa inyo! Mayroon pa bang ibang Tagapaglikha maliban
sa Allah na Siyang nagbibigay ng inyong ikinabubuhay mula sa
kalangitan at kalupaan? Walang (ibang tunay na) diyos maliban sa
Kanya. Paanong kayo ay napalayo (mula sa Kanya)?”
Ang Pagsamba sa Nag-iisang
Tagapaglikha ang Siyang Haligi ng lahat ng Kabutihan.
Sa paghahanap ng katotohanan at kaligtasan, ang haligi ng lahat ng
kabutihan ay nagmumula sa pagnanasang sumamba at kumilala sa iyong
Diyos na Tagapaglikha. Ito ang Unang Kautusan (First Commandment) na
likas na nakaukit sa puso at kaluluwa ng sangkatauhan.
Qur’an-37:4-5
“Katotohanan, ang inyong Diyos ay Tanging Isa, Panginoon ng mga
Kalangitan at ng Kalupaan at ng nasa pagitan ng mga nito. At Siya ang
Panginoon ng bawat dulo ng Sinag ng Araw.”
Sa ngayong panahon, tanging Islam
lamang ang nagtuturo ng pagkakaroon ng tunay at ganap na malinis na
konsepto ng Diyos. Ang Tunay at Ganap ay nangangahulugan na walang
kasama o kahati sa Kanyang pagiging Diyos at maging sa Kanyang Banal
na Katangian.
Qur’an-59:22-24 “Siya
ang Allah-wala ng ibang diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya.
Ang nakaaalam ng lingid at hayag. Siya ang Maawain, ang Mapagpala.
Siya ang Allah-wala ng ibang diyos (na dapat sambahin) maliban sa
Kanya-ang Hari, ang Ganap na Banal, Ang (Pinagmumulan ng)
Kapayapaan, ang Tagapagpatunay, ang Tagapagbantay, ang
Makapangyarihan, ang Kagila-gilalas (at di mapaglalabanan), ang
Matayog.
Luwalhati sa Allah- malayo sa anupamang bagay na iniaakibat sa Kanya.
Siya ang Allah, ang Tagapaglikha, ang Tagapaggawa, ang Nagbibigay
Hugis at Anyo. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng naggagandahang mga
Pangalan. Bawat bagay sa mga kalangitan at kalupaan ay nagbubunyi sa
Kanya. At Siya ang Makapangyarihan (at) ang Matalino.”
Qur’an-112:4
“Ipahayag mo (Muhammad): Siya ang
Allah, ay tanging iisa, Allah ang pinagkukuhanan ng pangangailangan ng
lahat. Hindi Siya nagkaanak at hindi ipinanganak. At sa Kanya ay
walang (makakatulad at) makakapantay.”
Qur’an-2:255 “Allah-wala
ng (iba pang) diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya, ang
nananatiling buhay-ang Isang Tagapagpanatili (at Tagapanustos sa lahat
ng nilalang). Ang idlip o antok ay hindi makapanghahawak sa Kanya.
Siya ang nagmamay-ari ng lahat ng bagay na nasa mga kalangitan at
kalupaan.
Sino ang makapamamagitan sa Kanya
malibang Kanyang pahintulutan? Batid Niya kung anong nangyari (sa
Kanyang mga nilikha) sa mundong ito at kung ano ang mangyayari sa
kanila sa kabilang buhay. At sino man ay walang makapang-aabot sa
Kanyang Kaalaman maliban Kanyang naisin. Ang Kanyang Luklukan ay abot
sa mga kalangitan at kalupaan at hindi Siya nakadarama ng kapaguran sa
pangangalaga at pangangasiwa sa kanila. Sapagkat Siya ang
Kataas-taasan (sa Kaluwalhatian).
Ang Dakila”
Qur’an-37:180-182
“Luwalhati sa iyong Rabb
(Panginoon), ang Panginoon ng Karangalan at Kapangyarihan! Siya ay
malaya mula sa anumang iniuugnay sa Kanya. At kapayapaan sa (Kanyang)
mga Sugo! At Papuri sa Allah ang Panginoon ng lahat ng nilikha.”
Huling Pananalita
Ang buhay dito sa mundo ay maikli
lamang. At ito ay isang paghahanda lamang sa tunay na buhay- ang buhay
na walang hanggan. Ang Qur’an ay nagpahayag:
Qur’an-29:57
“Bawat isa (na may buhay) ay makararanas ng kamatayan…”
Qur’an-29:64
“At ang buhay sa mundong ito ay isang pansamantalang pag-aaliw at laro
lamang. At katotohanan-ang tahanan sa Kabilang buhay ang siyang tunay
na buhay, kung nalalaman lamang nila.”
Qur’an-14:52
“Ito (Qur’an) ay isang pahatid para sa
sangkatauhan at upang sila ay bigyang babala, upang malaman nila na
Siya ang Tanging Nag-iisang Diyos-(Allah na walang dapat sambahin
kundi ang Siya) at nang ang mga taong may pang-unawa ay magkaroon ng
pag-alaala”
Nawa’y ang maikling sanaysay na ito ay
makapagdulot ng liwanag tungkol sa pagkilala sa Tunay na Diyos. Wala
ng iba pang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah. Siya ang
Nag-iisang Diyos na lumikha kay Adan at Eba-ang unang magulang ng
sangkatauhan. Siya ang Nag-iisang Diyos na nagsugo ng lahat ng
Propeta. Siya ang Nag-iisang Diyos na maghuhukom sa lahat ng kaluluwa.
Siya ang Nag-iisang Diyos na tanging makapagpapatawad ng lahat ng
kasalanan. Siya ang Tanging Isang Manlilikha at ang lahat ay Kanyang
nilikha. Ang kautusan at pagtatakda ay nagmumula sa Kanya.
Maraming salamat at pagpalain tayo
ng Allah, Subhanahu wa ta ‘ala.
PASASALAMAT
Al Hamdulillah. Lahat ng uri ng
pagsamba ay para lamang sa Allah, ang Panginoon at Tagapaglikha ng
lahat ng nilalang.
Ako ay nagpapasalamat sa aking mga
kapatid na tulong na ipinagkaloob nila upang maipalimbag ang maikling
aklat na ito. Nawa’y igawad ng Allah sa kanila ang pagpapala dito sa
mundo at maging sa Kabilang buhay. Jazakallah Khayr.
PAALALA
Ang mga talata ng Qur’an na isinalin
sa wikang Pilipino ay batay sa orihinal na wikang arabik. Ito ay
pagpapaliwanag ng mga kahulugan ng Qur’an bilang pagtatangka ayon sa
kakayahan ng may akda.
NO COPYRIGHT
Karagdagang kaalaman tungkol sa Islam,
makipag – ugnayan sa isa sa sumusunot: ISCAG-Phil (Islamic Studies,
Call and Guidance of the Philippines) - Salitran I Dasmarinas, Cavite.
Tel: 0063-46-4163371 / Fax 0063-46-4163629.
Para sa karagdagang babasahin tungkol
sa Islam, maaari ninyong basahin ang mga sumusunod ng mga aklat:
-
Ang Totoong Mensahe ni Cristo Jesus
-
Ang Talakayan ng Kristiyano at
Muslim
-
Si Muhammad sa Bibliya
-
Mga Pinaniniwalaan sa Islam
-
Ang Talambuhay ng Propeta
-
Ang Pagpapaliwanag sa mga
Mahahalagang Aralin
-
Ang Totoong Relihiyon
-
Ang Pananampalatayang Islam
-
Ang Kabilang Buhay
-
Ang mga Alituntunin at ang mga
Magagandang Asal sa Islam
-
Isang Aklat Para sa Babaeng Muslim
-
Ang Pag-aasawa sa Islam
-
Ang mga Kaasalan sa Islam
Maaari ninyong buksan ang mga
mapananaligang website na tumatalakay tungkol sa tamang aral ng Islam:
www.alharamain.org
www.dar-us-salam.com
www.al-hidaayah.co.uk
www.bilalphilips.com
www.islam-qa.com